CHRISTIAN DRAMA SCRIPT TITLED "HABANG PANAHON" by krisha


HABANG PANAHON                                     
Krisha412 – November 28, 2010
Narrator:  
Minsan nakikita natin na ang mga kabataan ay marami pang panahon na puwedeng igugol sa mundo dahil dito kalimitan hindi sila nabibigyan ng panahon sa kanilang spiritual na buhay at hindi rin sila napapansin na marami silang puwedeng gawin sa gawain. Ang mga magulang ay binigyan ng responsibilidad ng Panginoon sa paggabay sa mga kabataan. Ngunit hanggang kalian? … Lahat tayo ay hindi perpekto ngunit ang mga panahon ng mga kabataan ay panahon na hindi dapat ipagpawalang bahala… Ang kanilang murang isipan ay nagsisilbing paraan na dapat sila’y punan ng tamang kaalaman na nagmumula sa Panginoon… Sana’y ang dramang ito ang magsilbing paala-ala sa atin na bawa’t isa ay may responsibildad na dapat gampanan…Tunghayan  po natin ang dramang pinamagatang , “Habang Panahon.”

CAST:

Clarisse: Maricris Anilao
Clara: Neizel Pascual                                                                         
Maricar: Mary Ann Osorio
Paula: Kathleen Tampos
Tatay: Preacher Rodemir
Bela: Nicole Pascual
Jena: Raven Alonzo
Nilo: Ian Biado
Carlito: Paul Biado
Ronnie: Rod Benedict
Teacher Sally: Nory Pascual
Lorna: Charlene Legaspi

Scene 1: (Voice over)

TATAY:
Di ba sinabihan na kita na huwag pupunta doon, pumunta ka pa rin ang kulit kulit mo… hindi ka talaga magtatanda hanggat di ka pinarurusahan!
Bela:                                                                                                                  
Tatay, huwag po…Huwag ninyo akong paluin…
TATAY:
Kailangan ito para magtanda ka!!!
Bela:                                                                                                                  
Tay…!!! (papaluin)… (iiyak).. wala naman pong pasok kaya sumama ako kay Jena
TATAY:
Kesa igugol mo ang oras mo sa pag-attend sa Sunday School na yan mas maigi pa na mag-aral ka ng lesson mo o tumulong dito sa bahay… Naiintindihan mo? (hindi sasagot si Bela hanggang sisigaw ang tatay) NAINTINDIHAN?
Bela:                                                                                                                  
Opo…(umiiyak)

Scene 2:        

PAULA:
Wow ang sarap ng baon mo ah Bela? Pahingi ako.. (aambang aagawin kay Bela ang pagkain at magagalaw ang paa ni Bela)

BELA:
Aray!!

PAULA:
Oh, sorry bakit?… (sasabat si Jena)
JENA:
Eh. di ano pa pinalo na naman siya ng tatay niya!

BELA:
Nalaman niya na wala ako sa bahay at umaatend sa Sunday School, nagalit siya kaya pinalo niya ako..

PAULA:
Ano naman kaya ang masama doon?

JENA:
Lasing na naman siguro ang tatay niya kaya wala na naman sa sarili!!!

BELA:
Hindi naman…pero aywan ko ba … hindi naman masama yong pag attend, hindi naman ganyan dati ang tatay ko eh… mula nang umalis ang nanay ko papuntang Canada… nagkaganyan na siya… lagi maiinit ang ulo niya!
PAULA:
Baka may problema sila ng nanay mo….

JENA: Alam ko na… baka naghiwalay na sila…

PAULA:
Huwag ka namang ganyan Jena… baka umiyak na naman yan si Bela…

JENA: Baka lang naman eh… ganyan din kasi nangyari sa Nanay at Tatay ko eh…

PAULA:
Paano pala yan… malapit na program natin.. hindi ka makakapunta?
BELA:
Oo nga eh… gustong-gusto ko pa mandin yong kakantahin ko… Mabuti ka pa pinapayagan palagi ng mga magulang mo… sana ako din payagan

PAULA:  
Alam mo kasi Bela, Christians kasi mga magulang ko kaya ganon. Baby pa lang ako nasa church na ako kaya imposible na wala ako… dahil doon ako nakatira…

BELA
... Sabi ni teacher natutuwa si Jesus pag tayo nagsisimba… pero paano yan hindi ako pinapayagan…Bakit kasi ganon, hindi naman palagi ang Sunday School…tuwing linggo lang naman hindi pa ako payagan…, ang hirap naman!
JENA:
Ang dapat gawin kausapin natin si Teacher Sally na ipagpaalam ka sa tatay mo at ipaliwanang sa kanya yong program natin!

PAULA
            Tama… daan tayo sa church mamaya…

BELA
…Okay.. sige… pasok na tayo sa room

Scene 3:

(Nagbabasa si Clara at biglang darating si Clara)

PAULA:
Ate Clara tinanong pala ni teacher Sally kung mag – i-ispecial number ka sa Sunday…

CLARA:
Ayaw ko… ikaw na lang!

PAULA:
(lalapit sa tabi ng ate at lalayo naman si Clara) dati daw sabi ni teacher kumakanta ka eh.. ang tagal mo ng hindi raw kumakanta…at nilagay niya ang pangalan mo sa schedule…

CLARA:
Ngayon…Ayaw ko nga eh!!!

PAULA:
Sige na ate… (lalapit ulit sa tabi ng ate)

CLARA:
Ano ba.. ayaw ko nga eh (mabibigla si Paula at iiyak)… ang kulit- kulit mo, nakakairita ka.. alam may ginagawa dito eh… istorbo ka at puwede ba…lumayo-layo ka nga sa akin?
(tatakbong paalis si Paula at darating ang kanilang ina na si Clarisse)

CLARISSE:
Anong nangyari kay Paula? Bakit umiiyak?

CLARA:
Aywan ko!

CLARISSE:
Teka pala.. napag-isipan mo na ba yong course na sinabi namin saiyo ng Papa mo..

 CLARA:
(biglang pasigaw ang sagot) Pwede ba Ma! Huwag ninyong ipipilit ang gusto ninyo para sa akin… Malaki na ako, alam ko na ang ginagawa ko!!!

CLARISSE:
Ano ba ang nangyayari saiyo? Bakit maiinit ang ulo mo… tinatanong lang naman kta ah… Alam mo puwede namang yang gusto mo ang sundin mo… Pinapaliwanag ko nga saiyo.. mag Bible School ka muna tapos kung isang taon at talagang wala sa puso mo mag shift ka na lang ng course!!!

CLARA:  
Ngayon pa lang…alam ko na… na hindi yang course na yan… ang nasa puso ko!!

CLARISSE:  
Sundin mo muna kami ng Papa mo, paki-usap…Subukan mo lang anak…Hindi naman siguro masama.

CLARA:  
Hindi masama? Hindi ba masama yong pinipilit ninyo ang anak ninyo sa course na ayaw nya… Bata pa lang ako pinipilit na ninyo ako… tapos ngayon pipilitin ninyo ako sa ayaw ko…

CLARISSE:
Anak.. sinasugest namin saiyo dahil habang hindi ka pa confirmed sa gusto mo talagang course… paiba-iba ka pa kasi ng desisyon… eh di kong decided ka na saka ka na lang mag-shift…

CLARA:
Eh bakit ba kasi puro Bible na lang ang nasa isip ninyo!!! Nakakasawa na…

CLARISSE:
Puro Bible? Nagsasawa ka sa salita ng Diyos… Hindi ko akalain na sasabihin mo yan… mula pa noon yan na ang gawain na ginagawa namin ng Papa mo, hindi ko akalain na nagsasawa ka na sa trabaho namin … na yan din ang nagpapakain saiyo

CLARA:
Alam ko ang paghihirap at kasayahan ninyo sa ministry pero sana huwag ninyong i-expect na maging ganyan din ang gawain ko sainyo!!! Magkaiba na tayo ng gusto Ma!!! Alis na ako!!!... (aalis sa stage… lalapitan naman ni Clarisse si Paula)

CLARISSE:
(lalapit sa anak) … Anak… huwag ka ng malungkot…

PAULA:
Mama, bakit ganon si ate… lagi siyang galit… lagi din siyang tinatamad pati sa pag-attend!!!

CLARISSE:
Huwag mo nang pansinin ang ate mo.. may problema lang yon…

PAULA:
Ang sungit niya palagi

CLARISSE:
Ipagpray mo na lang ang ate mo…(mas lalapit sa anak) … Anak…(mapapaluha).. may tatanungin lang ako saiyo… Masaya ka ba pag dumadalo ka sa simbahan?

PAULA:
Sanay naman na po ako… Masaya din naman ako at saka nandoon din sa church ang mga kaibigan ko!

CLARISSE:
Pag pinapakanta ka… hindi ka ba napipilitan?,,, Gusto mo ba ang ginagawa mo?


PAULA:
Ok lang po… gusto ko naman ang ginagawa ko…Ma…Bakit kayo napapaluha? (naiiyak na rin si Paula) May problema ka ba?

CLARISSE:
… wala… anak… Gusto ko lang masigurado kong  gusto mo ang ginagawa mo sa gawain.. anak Hindi ka ba napapagod? (iiling lang si Paula)…  Hindi ka pa ba nagsasawa?

PAULA:
Hindi naman po… kayo ba nagsasawa na?

CLARISSE:
Hindi anak… Kagalakan ko ang maglingkod sa Panginoon… sana hanggang sa paglaki mo… naglilingkod ka pa rin… salamat saiyo anak!!!

(AALIS SA STAGE)
Scene 4:

MAricar
Oh ate, napasyal ka!

CLARISSE:
Nakita ko kasi si Nilo kanina … nasa computer shop…pabalik na kami mula sa church andoon pa rin siya.. inisip ko baka hindi pa kumain yon… Alam mo ba yon?

MAricar
Oo… pinayagan ko na… kasi halos pagod siya sa school… binigyan ko lang ba sya ng break…kawawa naman eh…

CLARISSE:
Kahit linggo?... hindi kaya siya nakadalo ng program nila sa Sunday School..

MAricar
Minsan- minsan lang naman ate.. hayaan na natin…

CLARISSE:
Diyan nga nagsisimula yan eh… sa paminsan-minsan!

MAricar
Puwede ba ate… huwag ka nga makialam sa klase ng disiplina ko…

CLARISSE:
Nagpapaala-ala lang naman ako…

MAricar
Alam ko ginagawa ko… anak ko kaya yon…

CLARISSE:
Pasensiya na… sige alis na ako ( pagka-talikod ni Clarisse… lilingon si Maricar… maya-maya darating si Nilo)

MAricar
Oh… andito ka na pala… kumusta?       

NILO: (magkikibit –balikat lang) ok lang po…

MAricar
Pumunta ditto si tita Clarisse mo kanina, hinahanap ka… wala ka daw sa program kanina.. gusto mo, attend tayo ng Gospel Hour mamaya?
NILO:                                                                                             
Iwan na lang ako dito Ma…di ba may pasok pa ako bukas…

MAricar
Sige… pero sa Linggo sabay tayo magsimba ha?

NILO:
Opo!

(AALIS SA STAGE)
Scene 5:

CARLITO:
Oy! Nilo..Andito ka ah! …Hindi ka pumasok sa school?

nilo:
Ikaw pala Carlito… Sobrang sakit kasi ng ulo ko kanina kaya hindi na lang ako pinapasok ni Mama…

CARLITO:
Halika! Sama ka sa akin!

nilo:
Saan?

CARLITO:
Sa computer shop! (biglang darating si Ronnie)   

RONNIE:
Oy..Oy Ano yan? Sama naman ako diyan…

CARLITO:
Isama na din natin si Ronnie…

RONNIE:
Sa Computer shop ba yan?

CARLITO:
Oo.. sama ka!

RONNIE:
Sige sama ako!

nilo:
Paano yan..Wala si Mama eh… umalis!

CARLITO:
Eh.. di kagaya ng ginawa mo dati… nag-iwan ka lang ng note sa ref!

nilo:
Ayaw ko muna maglaro ng computer eh… baka bumalik ang sakit ng ulo ko!!!

CARLITO:          
Di-magbike na lang tayo sa lugar nila Carlo!...

RONNIE:
Oo nga.. Sige halika na!

CARLITO:          
(hihilahin si Nilo)… HALIKA NA!

(AALIS SA STAGE)
Scene 6: (nagsasalita habang naglalakad papasok sa stage)

CLARISSE:
Huwag kang aalis... tinatanong pa kita… totoo ba? (hindi umiimik si Clara) Bakit di ka magsalita! Totoo ba? (tatango lang si Clara)… Ngayon… Ngayon mo sabihin sa akin na… na malaki ka na at alam mo na ang ginagawa mo!!! Magsalita KA!!!

CLARA:
Alam ko ang ginagawa ko!!! (hihinto at iiyak)… yon nga lang…ngayon alam ko na MALI! (bigyang diin) ang aking nagawa!!!

CLARISSE:
…Alam ko na hindi kami nagkulang ng Papa mo sa pangaral saiyo… sabihin mo nga sa akin- May kasalanan ba kami ng Papa mo kung bakit ka nagkaganyan? ( iiyak)

CLARA:
Namulat ako na puro gawain sa Panginoon ang inaasikaso… Church, bahay at school lang ako… kadalasan luluwas lang tayo pag may camps sa church at may conferences or appointments si Papa- doon niya tayo sinasama… Gusto ko namang masubukan ang iba… ibang lugar at ang ibang tao ang kasama!... Sa pagnanais ko ng pagbabago, naging masama ang dulot nito sa akin…Pero Mama, sa pagka-alam ko na alam ko ang ginagawa ko – hindi ko napansin na mali na pala ang nagagawa ko… Wala kayong pagkukulang… nagnais lang ako ng pagbabago…Mama sorry dahil.. buntis ako…



CLARISSE:
Kaya pala may pagkakataon na ganon na lang ang pag-alala ko.. Ngayon… Hindi maiwasan na isipin ko na may pagkakamali ako sa nangyari saiyo… Hindi ko ba nagawa ang responsibilidad ko bilang ina ng maayos?

CLARA:
Huwag ninyong sisihin ang sarili ninyo… Ako ang nagkamali…Hindi na lang po ako magsisimba… kila lola na lang ako pipirmi…para di ako makagbigay ng masamang ehemplo sa inyo…

CLARISSE:
Yan ang huwag na huwag mong gagawin… kahit ano pa ang nagawa mo hindi kami magbabago saiyo… lahat naman tayo nagkakamali kaya anak… Humingi ka ng tawad at huwag mong ihiwalay ang Panginoon sa buhay mo… dahil kahit anong gawin mo.. hindi ka magkakaroon ng tunay na kasayahan nang hiwalay sa Kanya!!

CLARA:
Mama… salamat… sa tagal ng panahon na pinakikita ninyo ang inyong pagmamahal..ngayon ko lang napansin ang lahat ng iyon…

PAULA:
Ma… Ma… tumawag si tita Maricar…

CLARISSE:
Oh, bakit daw?

PAULA:
nasa ospital daw si kuya Nilo… nasagasan siya!!

CLARISSE:
Alis muna ako… Kumustahin ko lang si Nilo…

PAULA:
Sama ako

CLARISSE:
Huwag na…maiwan kayo ng ate mo dito…
(Ihahatid nila Clara at Paula ang kanilang nanay- aalis sila sa stage)

CLARA:
            Tawag kayo kung anuman nangyari…

CLARISSE:
Sige… mag-ingat kayo dito, isarado ang pinto

Scene 7:

Maricar:
(Naiiyak)…Ate nagkamali ata ako sa pagpapalaki ng anak ko… Kung hindi ko siya pinapayagan… hindi magiging madalas ang paglabas niya at maiiwasan ang aksidente na to…


CLARISSE:
            Huwag mong sisihin ang sarili mo…

Maricar:
Namulat tayo na pinipilit lagi sa spiritual na bagay. Kaya sinabi ko sa sarili ko na hindi ko gagawin yon sa magiging anak ko… Pero ngayon parang nagkamali ako!

CLARISSE:
Mahirap sa ating mga magulang hindi natin alam kung saan tayo lulugar… maging mahigpit o lumuwag ay parehong mali.. dapat nasa gitna tayo palagi.. napakahirap… Sa murang edad paggabay natin ang kailangan… Hindi rin lahat ng panahon na yong gusto natin ang masusunod… Darating din ang pagkakataon na ang mga anak natin ay may sarili ng pag-iisip at desisyon. Sa panahon na hindi na natin sila nakakasamang palagi… panalangin ang maari lang nating gawin…

Maricar:           
Sa tingin ko nagkulang ako ng paggabay sa anak ko…(iiyak)

CLARISSE:
Hindi tayo perpekto… Hindi mo lang alam kung gaano kahirap ang nararamdaman ko sa mga nangyayari kay Clara ngayon…  mahalaga may natutunan tayo sa bawat pagkukulang at kamalian natin… Ang pagiging ina ay isang ministeryo na ang paggabay ay hindi lang ngayon kundi HABANG PANAHON!... Halika na… puntahan na natin si Nilo!

Scene 8:

Maricar:           
Anak bakit di ka pa tulog? kumusta na ang pakiramdam mo?

NILO:
(iiyak)… ma… masakit ang kamay ko… pati ung mga sugat ko… akala ko mamatay na ako sa sobrang sakit…

Maricar:           
Nakainom ka na ng gamot… gagaling na din yan… ipagpray natin…

NILO:
(umiiyak)… ma… papakinggan pa kaya ako ni Jesus kahit na hindi na ako nagsisimba…

Maricar:           
(mangiyak-ngiyak)… anak nakikinig lagi si Jesus…

NILO:
(umiiyak)… ma… sorry ha… hindi ko kayo sinunod…

Maricar:     
(garalgal ang boses)… anak naiintindihan ko… at least ngayon pareho tayong may natutunan… Gabi na.. tulog na tayo…
(AALIS SA STAGE)
Scene 9:

TEACHER SALLY:     
Okay next naman… Lorna.. pakitawag si Bela.. sabihin mo siya ang susunod…
LORNA:
            Bela! Bela… tawag ka ni teacher… (darating na si Bela)

TEACHER SALLY:     
Saulo mo na?

BELA:
            Opo

TEACHER SALLY:     
Sige.. doon ka sa gitna…
(kumakanta si Bela nang biglang nakita niyang dumating ang kanyang tatay at pipiliting makapagtago)

TEACHER SALLY:
            Oh.. bakit?

BELA:
Tay… uuwi na rin po ako…wag kayong magagalit… (iiyak)…

TATAY:
            Anak….

BELA:
            Tay…  uwi na rin po ako (garargal na boses - umiiyak)
              
TATAY:
            Anak… bakit? Halika dito… (hindi lumalapit si Bela kya lalapit na lang ang tatay)

BELA:
            Tay.. Tay.. sorry po! … Tay.. huwag po ninyo akong paluin…TaY!!!

TATAY:
Anak… Sorry anak… hindi ko alam na ganyan na pala ang naging bunga nito saiyo…
tahan na… hindi kita papaluin…
BELA:
            Totoo Tay? (tatango ang tatay)… Hindi na kayo galit Tay?...



TATAY:
Hindi na… Sorry anak ha…sa lahat ng ginawa ko saiyo, dinamay kita… marami lang problema si Tatay…

BELA:
            Wala ka ng problema ngayon Tay?

TATAY:
Meron pa rin… pero natutunan ko ng tanggapin… at namulat din mula ng mapaliwanagan din ng salita ng Dios ng dumalaw si pastor… Pinaliwanag pala si pastor yong tungkol sa program ninyo kaya andito ako para suportahan ka…

BELA:
Mabuti naman at mapapayagan na ninyo ako palagi…

TATAY
Oh.. ikaw naman.. galit ka ba sa akin?

BELA:
            Hindi na po Tay… Nagbago na kayo eh… Uwi na po ba tayo?

TATAY:
May practice ka pa ba? (tumango si Bela)… sige hintayin kita…
(Tatapusin ni Bela ang kanta at aalis na sila sa Stage)
Song: Awit ng pasasalamat sa ama’t ina

Performed: Worship Service for Junior Ambassador Ministry’s Special Program




THE END





















                                      



















Comments

Popular posts from this blog

CHRISTIAN DRAMA SCRIPT TITLED "PANGARAP NA PAMILYA" by krisha

CHRISTIAN TAGALOG DRAMA SCRIPT TITLED "PINAGKAITAN NG LIWANAG " by krisha412