CHRISTIAN DRAMA TITLED " GUMUHONG PANGAKO" (TAGALOG)

 

GUMUHONG PANGAKO

 

 

NARRATOR: ………………….INSTRUMENTAL……………………………..

May mga pagkakataon sa buhay natin na nawawalan tayo ng direksyon at nakakalimutan natin ang mga pangako ng Panginoon dahil sa mga pangangailangan natin sa buhay. At minsan din nasisi natin ang Panginoon sa mga pangyayaring dumadaan sa atin. Maging paalala nawa sa atin ang dramang pinamagatang Gumuhong Pangako.”

 

Cast:

Gilbert: Pastor Larry

Ricardo:Bro.Bernard

Bea: Kathleen Faith Tampos 

Niña: Nicole Pascual

Cristina: Mary Ann Osorio Jenny: Neizel Pascual

Lester: Pastor Rodemir Anilao Beth: Maricris Anilao

SCENE 1:

(Darating sa stage si Gilbert habang may instrumental… darating din naman si Ricardo)

             Gilbert:(emotional gestures) Bakit?(pasigaw)…. Bakit (pahina ang boses)… bakit (garalgal na                 boses at umiiyak)

Ricardo: Tama na bro… Hindi ko alam kung bakit nangyayari ito saiyo… pero bro. alam ko ay may dahilan ang Diyos

Gilbert:

(Umiiyak) Ricardo malupit ba ang Diyos? Bakit nangyari ito sa mga anak ko?

Ricardo:

Mapagmahal ang Diyos bro… hindi siya malupit sayo

 

Gilbert:

Kung hindi, Bakit ganon?…(pause) Ginawa ko ang lahat para lang magkaroon ng kinabukasan ang mga anak ko tapos ganito ang nangyari, hindi ko maintindihan… Kaya kong tiisin ang kahirapan ko sa pagtatrabaho pero hindi ko matitiis na ang panganay kong lalaki nagugumon sa bisyo at ang pinaka masakit pa… may sakit ang panganay kong babae, may malala siyang sakit pare…. Hindi ko maintindhan yon (mapapaluhod sa pag-iyak) hindi ko maintindihan ang Diyos!!!


RicardoBro. naiintindihan kita (itatayo si gilbert)…Hindi mo talaga maiintindihan  ang Diyos dahil iba ang kaisipan niya kesa saiyo,  pero alam niya ang tama para sa ating lahat

Gilbert: Sa tingin mo tama ang nangyayari sa akin?

Ricardo: Bro. huwag nating pagdudahan ang kalooban ng Diyos… isipin mo may mga pagkukulang din tayo… Hindi kaya gusto ka lang paalalahanan ng Diyos.

Gilbert: Anong ibig mong sabihin?

Ricardo: Mabait ang Diyos saiyo, Hindi mo na naaalala?... May pangako ka sa Panginoon… pangakong di muna natupad… (pause)… iniwan mo ang gawain… pero initindi ka pa rin ng Diyos… Bro. malayo na ang narating mo, hindi kaya kailangan mo nang lumingon. Ngayon ko lang sasabihin saiyo… napansin ko nagbago ka na, sa totoo lang ibang Gilbert yong nakilala ko noon…Ngayon iba ka na… iba na ang pananaw mo ngayon… sana bumalik na yong dating Gilbert na naging kaibigan ko… (hindi umiimik si Gilbert).. pasensiya na bro sa sinabi ko…

Gilbert: Hindi ko napapansin  na nagbabago na ako…Akala ko kaya kong  dalhin ang lahat ng bagay dahil matagal din ako sa gawain. Ngayon ko lang napatunayan na hindi basehan na malapit ka sa mga gawain at para masabi mo na kaya mo dapat talaga mas malapit ka sa Panginoon.. Hindi ko maisip na darating din ako sa ganitong pagkakataon… Parang mahirap ng ibalik ang dati…Sa tingin mo bro pwede pang maibalik yong dating ako?

Ricardo: Basta lumapit ka lang sa Panginoon bro.

Gilbert: Paano kaya ang mga pangako ko sa Panginoon? (pause) Paano ang mga gumuho kong pangako, kaya pa kayang maibalik at maiayos?

Ricardo: Sa totoo lang…alam kong mahirap talaga pero sa Dios bro. walang imposible…

Gilbert: Salamat ng marami bro… (aalis sa stage)

………………….INSTRUMENTAL.................................................. (LIGHTS OFF)


SCENE 2:

( Darating si Niña malungkot sa stage may dalang bag, siya’y uupo at iiyak… darating din si Bea at lalapit kay Niña)


Bea: Niña.. tama na.. huwag ka ng umiyak… galingan mo na lang sa susunod…

 

NiñaHindi mo naintindihan eh.. Hindi mo ba nakita Bea zero ako (ihahagis ang papel kay Bea).. wala akong nakuha kahit isa.

Bea: Kaya nga… sa susunod ka na lang bumawi…

 

Niña: Sa tingin mo makakabawi kaya ako… hindi ko nga maintindihan ang lesson eh… Mahirap akong turuan kaya pinagalitan ako ni teacher.. naiinis na siya sa akin

Bea: Pinagalitan ka lang naman dahil para matuto ka… Magpatulong ka kaya sa Mama

 NiñaHindi puwede… busy ang mama ko…Marami siyang ginagawa tapos inaalagaan pa niya ang ate ko..

 Bea: Oo nga pala may sakit ang ate mo… Ano ba sakit niya?

 Niña: Hindi ko alam… Nakikita ko na lang na umiiyak si mama… Wala nga akong makausap sa bahay eh… Minsan doon ako kila lola kaya minsan wala din akong assignment… nakakalimutan kong dalhin ang notebook ko.

 

Bea: Ganon ba… Gusto mo sama ka sa amin ngayon, may assignment tayo di ba?… paturo tayo sa mama ko..

 Niña: Sige… halika (aalis sila sa stage)

………………….INSTRUMENTAL.................................................. (LIGHTS OFF)


SCENE 3:

 

Niña: (Scene: Nasa stage si Beth at Cristina…. Darating sa stage si Gilbert) Mama… dumating na si Papa (tatakbo at lalapit sa ama).. May pasalubong ba ako?

Gilbert: Eto para saiyo talaga ito (ibibigay ang plastic at kukunin ni Niña at busy sa regalo.. lalapit naman si Gibert kay Cristina) Oh…Anak… kumusta ka na?


Cristina: Mabuti po Papa… mabuti andito na kayo… 

Gilbert: May sakit ka daw?

Cristina: Oo nga po eh…

Gilbert: Kumusta na pakiramdam mo?

Cristina:

Nanghihina lang po ako at medyo nahihilo…

 

 

Gilbert:

Huwag kang mag-alala anak maghahanap tayo ng espesyalista… Gusto mo kumain? May dala akong special na lugaw, favorite mo yon di ba? (tatango lang ang anak)…Beth kuha ka ng pagkain ni Cristina

Beth:

Eto na yong pagkain…

Gilbert:

(Susubuan ng tatay ang anak).. kumain ka ng mabuti para lumakas ka… Cristina:

Papa…Maitutuloy ko pa kaya ang pag-aaral ko?

Gilbert:

Siyempre naman anak,  kaya nga ako nagtrabaho  di ba para makatapos ka…  pero sa ngayon huwag na muna, magpagaling ka muna… kaya kumain ka ng mabuti, kumain ka ng mga gulay…

Cristina:

Pero sayang isang taon na lang sana… mahihinto pa ako… May mga plano pa mandin ako, kaya lang matitigil muna ako.. Gusto ko ng magkatrabaho at para makatulong… Nahihiya na ako sa inyo… 26 na ako pero responsibilidad ninyo pa rin ako.. (mapapaiyak)

Gilbert:

Anak huwag mong isipin yon… ang isipin mo ang pagpapagaling mo… Ginagawa namin ito dahil mahal ka namin…(garalgal na  boses..  mapapaluha  kaya  aalis muna sa lugar)… Teka lang anak may kukunin lang ako… si mama mo muna magsusubo saiyo (lalapit si Beth sa anak)

Beth: Ubusin mo ang pagkain na ito ha…

Cristina: Ma, gagaling kaya ako agad? Nanghihinayang kasi ako sa isang taon… isang taon na lang matatapos na ako sa pagiging doctor… sayang naman kung matitigil ako di ba?…

4

krisha412


Beth: Naiintindihan kita pero Next year mo na lang ituloy ang pag-aaral mo…

Cristina:

Hindi pa ninyo sinasagot yong isa kong tanong… Gagaling kaya ako agad?

Beth: Anak (mapapaiyak)… Ipanalangin natin… ipanalangin natin

Cristina: Ngayon nyo ulit nabanggit yan sa akin… tama, walang kasiguruhan ang buhay, kailangan nating manalangin… Bigla ko tuloy namiss ang simbahan… Nagsisimba naman tayo paminsan-minsan pero bakit bigla akong nakaramdam  ng pagkukulang ko sa Panginoon.

Beth: Pag okey ang pakiramdam mo, magsisimba tayo!

Cristina: Kahit hindi okey ang pakiramdam ko, magsimba tayo ha..ma (  tatango lang  ang ina)

 Beth: halika na magpahinga ka na… (aalalayan ang anak)

(LIGHTS OFF)

(Scene: Nakaluhod si Jenny sa nakahigang kapatid na si Lester sa floor)


Jenny: Ma! Mama! Halika kayo dito, tulungan ninyo ako

(Biglang lalabas si nanay kasunod ang tatay, makikita ni Jenny ang ama at magmamano) Dumating na pala kayo…

Gilbert: San ka ba nanggaling?

Jenny: Galing po ako sa seminar, 1 week po yon sa Baguio..

Gilbert: Ano ang nangyari sa kuya mo?

Jenny: Tinawagan ako ng tatay ng kaibigan niyang si Gerald, ayaw raw paawat sa pag- inom kaya pinapasundo na,tamang-tama naman parating na ako, kya tumuloy na ako doon.. nakakahiya kila Gerald eh.. si kuya talaga..pasaway.. Teka pala, Pa.. tamang-tama graduation ko na next week, gusto ko kasama ko kayo ni mama ha.


Beth: Anak di ba sinabi ko naman na si lola mo na lang kasama mo, aayusin ko ang doctor na titingin sa ate mo (habang Pinupunasan si Lester)

Jenny: Eh di lola na lang gumawa niyan..minsan lang naman ang graduation..

Beth: Hindi kaya ng lola mo yon!

Jenny: Eh si Papa?..

Gilbert: Eh..sige tingnan na lang natin.. next week pa naman..


Beth: (biglang uungol si Lester) Anak umayos ka, Ano ba ang nangyari saiyo… andito na  ang papa mo

Lester: (biglang mumulat at pipiliting tumayo)… Andito pala si erpats eh… namiss ko kayo ah… may pasalubong ba ako?... Sa wakas, nakita ko na ulit  ang  papa  ko,  ang mabait kong papa… Mga pare, nandito na ang papa ko…

Jenny: Kuya, wala na sila Gerald.. andito ka na sa bahay!......... Pasaway!

Lester: (lalapit sa ama) alam nyo ba? Namiss ko kayo ah…(biglang babagsak at sasaluhin siya ng ama)

 Gilbert: Lester ano ba ang nangyayari saiyo? Hindi mo na kaya yang sarili mo…

Lester: Kaya ko ang sarili ko… Alam nyo matagal ko na kayong hinihintay… may sasabihin kasi ako sainyo eh, wala kasi akong makausap dito sa bahay eh… hindi nila ako maintindihan…Walang nakakaintindi sa akin (iiyak)

Gibert: Anak… Ano ba ang nangyayari saiyo?

Lester: (iiyak) Papa, naalala mo si Virgie di ba? (tatango  lang ang ama)… iniwan na nya ako, iniwan na niya ako… Wala na siya Pa… Hanggang ngayon hindi ko pa rin matanggap ang pagkawala niya… mahal ko pa rin siya Pa… mahal ko pa rin siya… (iiyak pagkatapos itataas ang ulo) Naiintindihan nyo ba ako?

Gilbert: Oo.. anak.. naiintindihan kita… 

Lester: Sabi ko na sainyo eh… naiintindihan ako ng papa ko eh.. (biglang babagsak at bubuhatin siya ng ama sa kwarto… Aalis sila sa stage)

………………….INSTRUMENTAL................................................... (LIGHTS OFF)

 

krisha412


SCENE 4:

( Unang lalabas si Beth at tatayo sa gitna ng stage-habang may instrumental music- mangiyak-ngiyak at darating si Gilbert)

Gilbert: Kumusta na… ano ang nangyari sa lakad mo kanina?

Beth: Kailangan daw mag pachemo ni Cristina

Gilbert: Kailan daw?

Beth: Next week daw

Gilbert: Mag second opinion tayo…


Beth: (Mapapaiyak)… pasensiya ka na ha… hindi ako naging mabuting ina… kasalanan ko ba?


Gilbert: Huwag mong sisihin ang sarili mo… lahat tayo may pagkukulang


Beth: Hindi… dapat lang na sisihin ko ang sarili ko… sa tingin ko ako ang may mas maraming pagkukulang…


Gilbert: Ano ba.. sinabi kong huwag mo nang sisihin ang sarili mo…


Beth: Kung hindi kita pinilit na umalis at pumunta sa ibang bansa.. baka hindi magiging ganito ang kalagayan natin


Gilbert: (lalapit sa asawa) Tama na…Hindi makakatulong ang sisihan sa ganitong pagkakataon…


Beth: Hayaan mo akong magsalita pakiusap… Kailangan kong ilabas ang nararamdaman ko…Alam mo ba.. akala ko magiging magaan ang  buhay  pag  nakaalis  ka… magiging marami tayong pera at mapupunuan ang lahat ng pangangailangan natin…nagkamali ako Gilbert… (iiyak)… Nang umalis ka, akala ko ko kaya ko na, kaya ko ng mag-isa sa pisikal at espirituwal.. alam mo bigla kong naramdaman na parang nawalan ng ako ng isang paa… Mahirap maging nanay na  nag-iisa  at walang kasamang nag-aasikaso… Dahil dito bigla ko ring naramdaman na nawalan ako ng asawa at ang masakit… naramdaman ko na nawalan ako ng pastor… Napabayaan ko rin ang espirituwal kong buhay.. Naging hadlang ba ako sa panglilingkod mo? Alam ko sa puso ko na pinilit kita… Iniwan mo ang gawain dahil sa akin… Hindi mo natupad ang pangako mo sa Panginoon ng dahil sa akin…masakit pala yon

Gilbert: Tama na… Tama na…

Beth: Bumalik ka na lang…(iiyak)

 

Gilbert: Pasalamatan na lang natin ang Panginoon kahit sa ganitong sitwasyon! (darating si Jenny)

Jenny: Andito pala kayo Papa…Nalaman ko luluwas kayo.. pano graduation ko?

Gilbert: Anak si lola mo na lang kasama mo paki-usap…kailangan ng ate mo ng suporta ngayon

Jenny: Eh. Ako hindi ko ba kailangan ng suporta? Graduation ko yon.. mahalaga yon sa akin… lagi nyo na lang inaasikaso si ate… puro kayo ate… siya na lang lagi ang napapansin sa bahay na ito… Mula pa noon napapansin ko lagi na lang siya inaasikaso ninyo..

Beth: (lalapit) Anak… lagi kasing sakitin ang ate mo kaya ganon..

Jenny: Kahit na… sana kahit konti bigyan nyo naman ako ng pansin…


Beth: Sana naiintindhan mo kami… pasensya ka na kong yon ang naging pakiramdam mo… Pero anak isipin mo mahal ka namin!!


Jenny: Isipin din ninyo na hindi lang si ate ang anak ninyo… si Kuya Lester, ako  at si Niña… Hindi ba ninyo alam, may problema sa pag-aral si Niña, baka hindi makagraduate yan sa Grade 6.. Pumunta ang teacher niya dito noong isang linggo. Pinapapunta ang guardian niya sa school… Yon lang, sinabi ko lang… Sige..Alis na ako baka malate pa ako sa klase…

 (aalis si Jenny at biglang darating si lester) 

LESTER: Umiral na naman ang kadramahan ng babaeng yon! (lalapit sa ama  at magmamano)

Beth: Iwan ko muna kayo at magluluto pa ako

krisha412

Gilbert: Oh, Gising ka na…May dala pala akong rubber shoes jan, isukat mo… (isusukat ni Lester ang sapatos)… kumusta ka na anak…

Lester: Pasensiya na kayo kagabi, hindi ko nakayanan…

 Gilbert: Marami akong nabalitaan saiyo… 

Lester: Alam ko puro negatibo yang balitang yan…

Gilbert: Ano ba ang balak mo?

Lester: Tungkol saan?

Gilbert: Sa buhay mo?

Lester: Hindi ko alam… 

Gilbert: Ganyan ba ang gusto mong buhay anak?

Lester: (iiling) Nawalan na ako ng direksyon sa buhay Pa… Gilbert: Anak kagaya ng sinabi ko… sa Panginoon mo hanapin ang direksyon ng buhay mo 

Lester: Paano..(pause… iiyak) Paano ko ito haharapin kung ang hinihingan  ko  ng direksyon sa buhay ay hindi ko maintindihan ang kanyang kalooban?... Mahirap kong maintindihan ang Panginoon kung bakit niya kinuha si Virgie ng maaga…Nagsisimula pa lang kaming bumuo ng pamilya tapos ganon pa ang nangyari… (mapapaluha)

 Gilbert: Naiintindihan kita anak… Masakit  talaga…Kahit  masakit,  kaya  ko  ng  sabihin saiyo na may dahilan ang Diyos sa bawat pangyayari sa atin.. Dati hindi ko rin matanggap ang nangyayari sa pamilya natin pero ngayon unti-unti kong naiintindihan ang Panginoon.. May pag-asa  ka pa anak, ibig sabihin  may  dahilan ka pa sa mundo… Samantalang ang kapatid mong si Cristina, hinahanap ang kalooban ng Diyos sa kalagayan niya…mahigpit ang panalangin niya na bigyan pa siya ng mahabang buhay

 Lester: bakit? Anong mayroon kay Cristina?

Gilbert: Bakit ? Di mo ba alam?.. may malubhang sakit ang kapatid mo… 

Lester: Kawawa naman ang kapatid ko… hindi ko napapansin na marami na pala akong pagkukulang… Naging makasarili ako, iniisip ko lang ang sarili ko at damdamin ko… kawawa naman pala si Mama sa pag-aasikaso.

Gilbert: May dahilan ang  Diyos kung bakit nangyayari ito sa  kapatid mo… ipanalangin natin siya…

Lester: Pa… Salamat sa mga pangaral ninyo…Lagi ninyo  akong  sinasabihan  pag nakakusap ninyo ako sa telepono pero mas masarap pala pag personal ninyong sinasabi yan… Namiss ko kayo talaga! Sorry po pa…

Gilbert: Aakbayin ang anak (aalis sila sa stage)

………………….INSTRUMENTAL.................................................. (LIGHTS OFF)

 

SCENE 5: (lalabas si Niña at uupo sa upuan sa gitna ng stage at darating naman ang nanay, si Beth)


Beth:  Anak , andito ka na pala… gusto mo magmeryenda? 

Niña: Mamaya na po

Beth: Kumusta pag-aaral mo? (hindi umiimik si Niña).. oh.. hindi mo na sinagot ang tanong ko… kumusta na pag-aaral mo?

 Niña(iiyak)… huwag kayong magagalit Ma… pinapatawag kayo sa school kakausapin daw kayo ng adviser ko

 Beth: Bakit daw?

 Niña: Bagsak po kasi ako sa mga exams eh… Bakit di mo sinabi sa akin?

Hindi ko na rin sinabi kasi busy kayo at lagi kayong pagod, minsan naman umiiyak kayo… Dati naman Ma hindi ako ganito… Ngayon hindi ko kasi maintindihan ang tinuturo… nahihirapan po ako (iiyak)


krisha412



 

 

Beth: Anak…(mapapaluha)

 Niña: Dati naman naiintindihan ko ang lesson… pero mula nang hindi na ninyo ako tinuturan.. nahirapan na po ako…. Tinatawanan nga ako minsan ng ilang kaklase ko…. Sabi nila ang dali-dali daw hindi ko maintindihan… Bobo ba ko Ma? (iiyak)

 

BETH: Anak…(yayakap sa anak)… Hindi anak.. hindi… huwag mong isipin ang ganon!

 

Niña:Nasanay po kasi ako na tinuturuan ninyo ako…. Ma, okey na ba kayo? Puwede na ulit ninyo akong maturuan ng assignment?

 

BETH:Pasensiya ka na anak… busy si Mama… Hayaan mo ngayon matutulungan na kita… andito na si papa mo

 

Niña:Talaga… may tutulong na sa akin sa assignment (tatango si Beth)… Mabuti naman kasi mas magaling kayong magpaliwanag kesa kay ate Jenny, sinisigawan pa ako..

 

BETH: Halika na magmeryenda na tayo! (aalis sila sa stage)

………………….INSTRUMENTAL................................................. (LIGHTS OFF)


 

SCENE 6:

(Darating sa stage si Cristina at uupo susunod na darating naman si Jenny)

 

Jenny: Nasaan sila Mama at Papa?

Cristina: Umalis… (mapapatingin sa damit na suot) Wow..Ano yan, bago ba yan?

Jenny: Oo..Sinusukat ko lang yong isusuot kong damit sa graduation.

Cristiana:Maganda siya, bagay saiyo 

Jenny: Bola.. alam ko naman hindi maganda eh…

 CristinaHindi nga.. maganda siya 

Jenny: Puwede ba ate, ayaw ko ng marinig.. huwag ka ng magsasalita.. dahil alam ko naman na ikaw lang ang magaling magdala ng damit sa ating dalawa.

Cristina: AnO bA nangyayari saiyo?

Jenny: Totoo naman di ba… ikaw lagi napapansin dito sa bahay, pag may bisita din tayo, sinasabi nila mas maganda ka daw samantalang ako hindi…Pati sa mga personal na gamit mas marami ka…Mas malaki ako tingnan saiyo kaya ikaw laging mas maraming kasya saiyong damit kesa sa akin… Hanggang ngayon ate, ikaw pa rin ang napapansin…Wala naman akong kalokohan na ginagawa hindi kagaya ni kuya pero kahit minsan  hindi  man  lang ako napansin… Kaya minsan  naiinis ako saiyo at hindi kita pinapansin…

Cristina: Pasensiya ka na.. dahil ako napapansin lagi nila mama… kasi dahil sakitin ako… Naiinggit ka sa akin pero alam mo mas naiinggit nga ako saiyo dahil nagagawa mo ang gusto mo-kahit saan puwede kang pumunta, puwede kang pumunta sa mall, sa palengke at kung saan-saan pa, samantalang ako hindi puwede dahil ma-eexpose ako sa mga viruses na yan..Ikaw puwede ka pang mag-aral ako hindi sigurado kung maitutuloy ko pa… May cancer ako sa dugo… (pause) ikaw wala…dahil sa sakit na ito marami akong di magawa… (iiyak)

Jenny:Ate… tama na…

Cristina: Sa tingin mo mas dapat akong kainggitan, o ikaw ang dapat kong kainggitan? Sana maintindihan mo sila mama at papa.. Ayaw ko pa sanang mamatay pero  wala akong magawa kung ito ang kalooban ng Diyos… Naaawa na din ako sa mga magulang natin… Kagaya ngayon, nahihirapan sila sa paghahanap ng  dugo  at donor para sa bonemarrow. Ngayong panahon na ito lagi ko kayong nami-miss, parang mahirap ko kayong iwan… (hagulgol ang iyak at pipiliting tumayo).

Jenny: Ate… tama na… Sorry (iiyak)

CristinaHumihingi din ako saiyo ng fabor, lagi mo akong isama sa panalangin mo. At mula ngayon bigyan mo na ng pansin ang espirituwal mong buhay dahil yon ang mas mahalaga. Wala tayong puwedeng maipagmalaki sa Diyos…

Jenny: (biglang mahihilo si Cristina)…. Ate… Ate! Ma tulungan ninyo ako!

(LIGHTS OFF)

………………….INSTRUMENTAL……………………………..

 

 

SCENE 7:

(Hospital scene: Beth, Jenny at Niña ay nasa tabi ng bed ni Cristina)

 

Cristina: Mama may nahanap na ba kayongkayong dugo?                                                                                                                                  

Beth: Wala pa rin eh.. pero umalis si Lester para maghanap…

Cristina: Baka hindi ko na makayanan Ma!

Beth: Huwag mong sabihin yan… darating na ang kapatid mo

Cristina: Ipagpray ninyo ako Mama…

Beth: (pipikit ng medyo matagal)…Panginoon… (iiyak at hindi makapagpray)

Cristina: Panginoon hindi ko na kaya…kayo na po ang bahala sa akin… kayo na ang bahala sa pamilya ko.. Amen!

Beth: Anak…patawag ko ang papa mo (aalis si Jenny at tatawagin ang tatay)

Cristina: Ma… Amuyin ninyo ang kamay ko… parang amoy bulaklak di ba?

Beth: Oo nga anak… mabango…

Cristina: Ma… baka hindi ko na mahintay si Lester… magpapahinga na ako? (nasa likod ng bed si Gilbert at kinocomfort siya ng kaibigan na si Ricardo).. Niña mag-aral ka mabuti ha!

Niña: Opo ate… (umiiyak)

Beth: Nahihirapan ka na anak? Sige pahinga ka na…Mamimiss ka namin… Andito na papamo (aalis sa bed at lalapit si Jenny)

Gilbert: Anak… 

CristinaPapa… bumalik na kayo sa gawain… Jenny 

Jenny: Ate… (umiiyak) Sorry sa lahat ha

  Cristina: Wag mong intindihin yon… unahin mo ang Panginoon sa buhay mo.. Papa pakisabi na lang kay Lester na bumalik na siya sa paglilingkod at habang may buhay magpatuloy siya! (tatango ang ama)…                                                                                                                            

Gilbert: Oo anak… Alam kong marami rin akong pagkukulang sa Panginoon Cristina: Aalis na ako Pa! (Magbuntong hininga at tuluyan ng nalagutan ng hininga) (Tatalikod at iiyak… biglang darating si Lester) 

Lester: Andito na ako… May nahanap na ako ng donor… Bakit? Anong nangyari? (lalapit si Ricardo at aakbayin)

Ricardo: Wala na ang kapatid mo, kinuha na siya ng Panginoon! (Lalapit si Lester sa higaan)

Lester: Hindi mo na ako nahintay… sayang may nahanap na ako… Pasensiya na sa pagkukulang ko… Hindi ko pa nasasabi saiyo na babalik na ako sa gawain… Hindi pa ako nakapagpaalam saiyo… Cristina, Cristina! (pasigaw)

(LIGHTS OFF)

 

NARRATOR:

May mga pangyayari sa buhay ng tao na hindi natin maipaliwanag ngunit may tamang dahilan sa bawat kalooban ng Panginoon. Minsan ito’y nagpapa-alaala sa atin sa ating mga pangakong binitiwan. At bawat pangyayari sa ating buhay magsilbi itong kalakasan sa susunod na bukas at maaasahan natin ang tagumpay basta tayo’y tapat at nagpapatuloy sa Panginoon.

 

---------------------------------THE END-----------------------------------------------

 

 

Script made by: Krisha Performed:

Church 28th anniversary August 07, 2011

 

 

 

 

 

krisha412


 

Comments

Popular posts from this blog

CHRISTIAN TAGALOG DRAMA SCRIPT TITLED "PINAGKAITAN NG LIWANAG " by krisha412

CHRISTIAN DRAMA SCRIPT TITLED "PANGARAP NA PAMILYA" by krisha