MALAYA BA AKO? (TAGALOG CHRISTIAN MONOLOGUE)

 

MALAYA BA AKO?

MONOLOGUE @krisha412

November 2024

 

PASIMULA:

Isang napakahalagang karapatan ng tao ang kalayaan – walang sinumang humadlang o pumigil sa anumang naisin o gawin sa kanyang buhay. Malayang gampanan ang mga bagay na naisin. Ikaw at ako, nais makamit ang kalayaan. Bawat tao ay may karapatang mabuhay at magpasya anuman ang nais gawin at walang makakahadlang sa kanyang gawin ito. Ngunit sa mundong ating ginagalawan tila ba mayroon itong puwersa sa bawat isa sa atin na kumukuha ng lahat ng ating oras, ng ating lakas, ng ating kaalaman at lalong-lalo na ang ating buhay. Ang mundo ay punong-puno ng idelohiya; ideolohiya sa pagkakaroon ng maayos na pamilya, kung ano ang buhay na matiwasay, at kung paano magiging matagumpay ngunit ano nga ba ang mga basehan ng mga ito? Dahil dito, hindi na natin makita kung ano ang basehan ng talagang tama at mali. Saan ba ang Panginoon sa buhay natin o sa mundong ating ginagalawan? Gusto ng Diyos na palayain tayo sa mundong ito, palayain sa kasalanang gumugupo sa atin at nilalayo tayo sa KANYA. Ang katanungan ngayon sa ating mga sarili, MALAYA NGA BA AKO?

 

Background Music: (piano instrumental)

Voice over: Rafael Enriquez, you have been found guilty of First-Degree Murder and I sentence you to life imprisonment.

Sound effect: Police Screen Sound Effect & Jail door effect

Setting: Prison Cell

 

RAFAEL: (sisigaw) Hindi! Hindi ito puwede! Ayaw ko dito! Bakit ako nandito? Bakit!! (sigaw)…. Bakit nga ba ako nandito? (patanong)… Nakapatay nga pala ako! (iiyak) Bakit ko nagawa yon? (pupunasan ang mukha) Bakit Ninyo ako tinitingnan ng ganyan? Huwag Ninyo akong tingnan na parang napakasama kong tao. Bakit kayo ba, walang kasalanan? Walang perfect na tao, kagaya din ninyo ako pero mabait naman ako. Tumutulong din naman ako sa mga kasamahan ko. Nakagagawa naman ako ng kabutihan! Kilala nga ako sa lugar namin na madaling pakisamahan. Ako nga si Rafael Enriquez isang matalinong estudyante. Malapit na pala sana akong matapos sa kolehiyo, isang taon na lang pero nandito ako (mangiyak-ngiyak). Hindi na ako malaya. Naalala ko noong nasa labas ako, malaya kong nagagawa ang lahat ng nais ko. Malaya akong magparty kasama ang mga kaibigan ko at paminsan-minsan umiinom kami, malaya akong pumunta sa mall, malaya akong mag out of town, malaya akong pumunta sa eskwelahan at minsan tumatambay doon pagkatapos ng klase, malaya akong manood ng kahit ano at lahat ng gusto ko nagagawa ko (pause).

Ano? Tinatanong nyo kung nakakapunta ako ng simbahan? Hindi eh... Puwede naman akong pumunta; naalala ko inimbita ako dati kaya lang hindi ko siya nabigyan ng pansin. (pause) Bakit? Bakit Ninyo tinatanong? Sinasabi nyo ba na may oras ako sa iba pero sa Diyos wala! (garalgal na boses) Ganon ba ang ibig ninyong sabihin (mataas ang boses). Bakit kayo ba? May oras ba kayo sa Diyos? Eh halos pare-pareho naman tayo dito eh (maluha-luha)… Ang pagkakaiba lang natin malaya kayo (ituturo ang audience) at ako (ituturo ang sarili) nandito sa kulungan… Nakapatay ako (iiyak)… Pero tama lang yong ginawa ko… eh masama namang tao yong napatay ko eh… (pupunasan ang luha)

Anong sabi nyo, mali? Oo na!, nandito ako sa kulungan dahil may mali. Pero ano ang pagkakaiba ko sainyo?  Yong sa akin hayag ang kasalanan ko at kayo? Tago ang kasalanan Ninyo. Sinasabi ba Ninyo na ang pagkakaiba ay hindi ako humihingi ng tawad? Tama na nga! Ayaw ko ng makipagdebate sainyo basta ang alam ko may kabaitan naman ako…

Sa totoo lang hindi masaya ang hindi malaya. Masaya ba ako noong nasa labas ako? Oo naman malaya ako eh… (pause) Naalala ko tumatawa ako kasama ng mga kaibigan ko, nag eenjoy sa night out, andiyan ang pamilya  ko pero …(pause).. parang wala akong kapayapaan sa puso ko, walang direksiyon ang buhay at para akong may kulang sa buhay ko, may hinahanap ako na hindi ko alam kung ano. Pero pag pinag usapan ang nararamdaman ko ngayon parang walang pagkakaiba ang nasa  labas ako at sa nandito ako sa loob ngayon. Napapaisip tuloy ako, MALAYA NGA BA AKO noon?

(LIGHTS OUT)

 

BARABBAS: Nandito ako para ilarawan ang posibleng nararamdaman ni Barabbas sa bibliya. (Tatalikod muna ng ilang seconds at haharap)

Alam ninyo ako dapat ang nakapako sa krus na yon (ituro ang TV screen na may tatlong krus), yong nasa gitna na napapalibutan ng mga maraming tao: mga babae, mga pari, pariseo, andoon din ang mga nag-uusisang mga tao at iba pa. Lubhang ang mga tao ay masaya na panoorin ang mga ipapako sa krus. Andoon din dapat ako pero sa totoo lang hindi talaga ako sigurado na wala ako doon sa pagpapako dahil nabigla ako. Nakakagulat talaga dahil wala ako doon. Yong krus na yon para sa akin dapat (pause) pero hindi na sa akin ngayon…(pause, iiyak) sa KANYA (point your finger on top) sa KANYA na yon dahil MALAYA NA AKO!!! Siya ang ipinalit sa akin na dapat ako. Ang pangalan niya ay Hesus. Alam ninyo ang mga tao… sinisigaw nila ang pangalan ko PALAYAIN SI BARaBBAS kaya wala ako dapat dito. Dapat nagtatago ako at tumatakas para sa aking buhay. Yong krus na yon ay para dapat sa akin… Yong mga pako na yon sa akin din dapat. Pero sa isang iglap nakalaya ako. Paano? Paano ba ako nakulong at ano ang ginawa ko? Ibahagi ko sainyo sa maiksing paraan.

Alam Ninyo yong mga tao hindi na nagulat na nakulong ako parang alam na nila na yon ang patutunguhan ko sa buhay. Noong bata ako, pinuno ako ng gang at gustong -gusto ko ang ginagawa ko… lalong-lalo na ang maging pinuno. Pag may kapilyuhan at kaguluhan sigurado nandoon ako. Noong kabataan ko medyo okay pa ako pero noong tumanda na ako, mayroong lumapit sa akin at inalok ako na gumawa na mga bagay na kakaiba at naka-excite, para sa akin, at sinabing makakatulong ito sa aming bansa. Magkakaroon kami ng grupo at nagpaplano ng mga bagay tungkol sa mga Romano na nasa lupain namin. Sila ang kalaban ng aming nasyon, ang aming bansa. Gusto nilang gumawa ng grupo na susugpo sa mga Romano at balang araw marami pang kalalakihan ang hihimuking sumali sa grupo na ito. Kaya’t sumali ako sa grupo. Sinunod ko ang mga plano. Kalaunan naging pinuno nila ako. Naging matapang ako at malakas ang loob para sa aming adhikain. Nagawa namin ang mga bagay na hindi dapat. Nagnakaw kami at ako pa mismo ang naging pinuno nila dito. Isang araw plano naming atakihin ang caravan na galing sa Roma at ito’y punong-puno ng pera at mamahaling mga bagay. Magandang simulain ito para sa grupo na aming sinimulan. Ako ang pinuno dito ngunit may nagtaksil sa amin. Alam na nila ang pangalan ko at inaasahan na nila ako. Nakipaglaban ako at mayroon akong napatay. Nagising na lamang ako na ako’y nasa kulungan.

Alam ko na ang mga Romano ay hindi sasayangin ang oras na naisin nila na ako ay mamatay at mapako sa krus. Gagawin nila akong halimbawa sa mga tao para hindi pamarisan, ipapakita nila sa mga tao na papatayin ako. Alam Ninyo iniisip ko palagi kung ano na ang mangyayari sa susunod para sa akin. Nakakadena ang mga kamay ko, nakakulong sa hindi komprotableng lugar. Walang Liwanag na makikita pag ikaw ay hindi malaya. Maya-maya narinig ko ang mga yabag ng mga guwardiya, ang kanilang paglakad ay dinig na dinig ko sa tahimik kong kulungan . Ito na ang kinakatakutan ko- ang pagpako sa krus. Ngayon ko naramdaman ang takot sa kamatayan. Hinila nila ako ngunit dinala nila ako sa may hagdanan at hind isa labas na nandoon ang krus. Bakit kaya? Yon ang nasa isip ko. Maraming boses ng tao akong naririnig at mga sigaw. Nakaharap ko ang taong sinasakdal at tinanong ang mga tao kung sino ang papalayin. Tama ba ang dinig ko? Pangalan ko ang sinisigaw. Sabi nila PALAYAIN SI BARABBAS.

Alam Ninyo yong titulo na “SON of the Father” na sinasabi ng ibang tao sa Kanya. Ganon din ang ang ibig sabihin ng pangalan kong Barabbas. Ang ibig sabihin ng pangalang Barabbas ay “son of the father.” Parehas kami; kakatuwa di ba?  Ang mga tao kilalang-kilala nila ako. Alam din nila ang mga masasama kong ginawa. Pero Siya na sinasakdal, hindi Siya masama. Sino ang pipiliin ng mga tao? Alam ninyo ang tamang piliin ay Siya. Ako kasi ay nahuli at nahatulan na. Pero sinisigaw ng mga tao ang pangalan ko, “PALAYAIN SI BARABBAS, PALAYAIN SI BARABBAS!” Sa gaanong mga salita nag utos ang governador na palayain ako. Narinig ko ang mga katagang “PALAYAIN SIYA.” Ang mga kamay at paa ko ay tinanggalan sa pagkagapos. “MALAYA NA AKO! MALAYA NA AKO” Sa tingin Ninyo ano ang aking gagawin na malaya na ako? Hindi ko na kailangang ibahagi pa. Gusto ko ng umalis sa lugar na ito. Tatakbo at aalis sa lugar na ito. Pero habang bumababa ako nagsisigawan ang mga tao>>> Tama ba ang dinig ko… sigaw nila “IPAKO SIYA SA KRUS! IPAKO SIYA SA KRUS” Malaya ako pero yong isang SON OF THE FATHER ay ipapako sa krus. Mamatay Siya kapalit ko. Kahit sinong tao, masama o mabuti, mag-iisip na (pause)…SIYA ang mamamatay kapalit ko. Yong mga salita na yon ang nasa isip ko. KAPALIT KO SIYA!

Alam Ninyo ba yong pakiramdam na ikaw na yong mamatay tapos nakaligtas ka? Ano ang patunay ko na dapat ako? Tatlo ang krus na itinayo. Yong dalawa sa dulo ay mga kasamahan ko. Yong nasa gitna dapat ako (iiyak).  Alam ba Ninyo yong pakiramdam na may ibang TAONG umako ng lugar mo na kung tutuusin ay ikaw naman dapat dahil ikaw yong may kasalanan at yong ipinako ay inosente. ALAM BA NINYO YONG PAKIRAMDAM NG MALAYA?  

Pero ang katanungan ngayon MALAYA NA NGA BA AKONG TALAGA?

Comments

Popular posts from this blog

CHRISTIAN TAGALOG DRAMA SCRIPT TITLED "PINAGKAITAN NG LIWANAG " by krisha412

CHRISTIAN DRAMA SCRIPT TITLED "PANGARAP NA PAMILYA" by krisha