CHRISTIAN DRAMA: "MULING NASUMPUNGAN"

 

MULING NASUMPUNGAN

By krisha412

February, 2024

 

OPENING SCENE: (dark scene)

(Background: Tumatakbo si Lance dahil may humahabol sa kanyang mga gangster na papatay sa kanya ngunit siya ay nakorner)

 

LANCE: (sisigaw) HUWAG NIYO AKONG PATAYIN!!!… huwag kayong mag-aalala mababayaran ko kayo basta huwag lang biglaan! Maawa kayo! Pakiusap! Huwag! Huwaggggg!!

 

(voice background)

LANCE:

Ako si Lance. Hindi ganitong buhay ang kinagisnan ko. Dati kong nakukuha ang mga bagay na nais ko. Ang katotohanan ay hindi ako naging mapagpasalamat at hindi nabibigyan ng halaga ang mga bagay na mayroon ako. Dahil dito, nasaktan ko ang mga taong tunay na nagmamahal sa akin, at higit sa lahat ANG AKING AMA. Nagising na lang ako na sa magulong buhay na ako mismo ang pumili. Gusto kong magkaroon ng pagkakataon na ayusin ang buhay ko. Iniisip ko kung kaya pa ba akong mapatawad ng aking ama sa hirap at pasakit na dulot ko sa aming pamilya? Ang mga maling desisyon sa buhay at mga kasalanan ang nagdala sa akin para mapagkumbaba at lumuhod. Panalangin ko na hindi pa huli ang lahat!

 

 

SCENE 1: (farm background)

(Lahat ng tao ay busy sa pagsasalansan ng produkto ng biglang dumating si Lance)

 

LUIS: Saan ka galing?

LANCE: Diyan lang…

LUIS: Hindi mo ba alam na busy tayo ngayon, may malaking company na aangkat ng produkto natin?

LANCE: oo nga eh… wala eh… hindi ko na kinaya eh… Kagigising ko lang…

LUIS: Ang yabang nito… pumunta ka pa dito… Hindi ka pa ata umuwi kagabi..  Bakit ngayon ko lang?

LANCE: Hindi ko masasagot tanong mo… Hindi mo ba ako nakita andito na ako!!

LUIS: wala ka ng galang ahh… sagutin mo ako!

LANCE: (lalapit sa tenga kapatid ang mang-aasar) KUYA.. wala ka ng pakialam kung saan ako galing.. inggit ka lang!

LUIS: (Hahawakan ang damit) Huwag mo akong gaganyanin… aalisin kita dito sa produksiyon, tingnan ko lang kung may makukuha ka pang pera sa pinaggagawa mo…

(Biglang darating ang tatay)

 

TATAY: Ano yan!

LUIS: Itong si Lance Tay… kararating lang (bibitiwan si Lance)… alam naman niyang marami tayong dapat gawin itong linggong na to… lagi pang wala o kaya late naman…

TATAY: (babaling kay Lance) Ano ba ang nangyayari saiyo? Kailangan ng kuya mo ang tulong mo…

LANCE: Patawad.. Hindi ko alam Tay kung anong nagyayari sa akin… hindi ko nga alam ang gusto kong mangyari eh… Masakit din ang ulo ko ngayon… (sasabat si Luis)

LUIS: Eh kasi late ka na matulog (Hahawakan ng tatay si Luis sa balikat)

TATAY: Eh sige… umuwi ka muna… ako na tutulong sa kuya mo! (aalis si Lance )

LUIS: Tay, pinagbigyan nyo naman si Lance eh kaya nagkakaganyan eh…

TATAY: Anak iba ang kapatid mo, iba ang ugali… hanggat pinipigilan mo lalong nagpupumiglas… intindihin muna natin…

LUIS: Tay, andami na niyang ginagawa na hindi maganda at labag sa kalooban ninyo… naaawa lang din ako sainyo.

TATAY: Salamat anak … habaan pa natin ang pasensiya natin… Mahal mo pa naman ang kapatid mo di ba?

LUIS: OO naman Tay!

TATAY: (aakbayan ang anak).. Salamat… papasaan ba at maiintindihan niya rin kung anong landas ang gusto niyang tahakin…Salamat at andiyan ka… (tatango lang si Luis)

 

SCENE 2: (house background)

(Nakaupo at tinitingnan ni Lance ang old pictures ng family ng biglang darating ang tatay )

 

TATAY: Oh, nandito ka pa, gabi na ahh (magmamano si Lance)… ano yang tinitingnan mo?

LANCE: Lumang pictures natin… ang saya namin ni kuya dati… lagi kaming magkasama at naglalaro… walang iniisip na ibang bagay… (biglang tatayo)

Tay, mabuti pa si kuya wala kayong problema… napaka perfect niya… magaling siya sa lahat ng bagay lalo na pamamalakad ng mga manggagawa natin… Samantalang ako… (tatayo ang tatay at sasabat)

TATAY: Anak, walang perpektong tao… at lahat tayo ay iba-iba… Mahal na mahal ka ng kuya mo… huwag mong ikumpara ang sarili mo sa kuya mo dahil iba ka.. may sarili kang kakayahan…

LANCE: Ano naman kaya yong kakayahan na meron ako?

TATAY: Ipanalangin mo anak at makikita mo rin ang nais mo…

LANCE: Meron akong plano Tay…

TATAY: Ano yon?

LANCE: Tay, huwag kayong magagalit ha… (tatango ang tatay) naisip ko kasi kunin ko na aking mana kahit maaga pa para dito…

TATAY: Ha? Bakit naman?

LANCE: Hahanapin ko ang buhay para sa akin… Aalis ako… Hindi na ako masaya dito eh…gusto kong makita ang buhay labas ng lugar na ito- ng bayan na ito..

TATAY: Anak, nag-aalala ako para saiyo…

LANCE: Tay… mula bata ako andito na ako… gusto ko naman makita ang ibang bagay at baka dito ko masumpungan ang tamang landas para sa akin…

TATAY: Ipina-nalangin mo ba ito?

LANCE: Normal naman na yon Tay!

TATAY: Hindi ka na ba mapipigilan?

LANCE: Tay, subukan ko ito… ito na ang pasya ko!

TATAY: Mag-alala man ako, tingin ko wala na akong magagawa sa desisyon mo…

LANCE: Siyanga pala Tay, paano yon, hindi naman agad-agad maipagbibili ang mga ari-arian na para sa akin?

TATAY: Oo nga, kuha na lang sa bangko… Kailangan ko palang kausapin yong manager ng bangko para sa pagwithdraw ng malaking pera…

LANCE: Salamat TAY!

TATAY: Mag-ingat ka anak! Andito lang ako!

 

 

 

 

SCENE 3: (resto bar at casino)

(Nakaupo ang mga nakilalang kaibigan ni Lance sa isang resto bar at biglang darating si Lance)

 

MGA KAIBIGAN: (sabay-sabay na magsisigaw) Wow pare!

TYLER: Welcome sa panibagong buhay mo! Dala mo kotse mo…

LANCE: Oo naman.. bakit dito meeting place natin?

TYLER: Oh, Rex, bakit daw nandito tayo? Sagutin mo!

REX: Siyempre we need to celebrate your freedom! Tama mga pare? (Sisigaw ang mga kaibigan)

TYLER: Ayaw mo ba?

LANCE: Hindi… Gusto ko nga eh… sige libre ko to!

REX: Yon yon eh… yan ang hinihintay ko! Siyempre hindi mawawala ang MALAMIG na inumin diyan

TYLER: Huwag ninyo lalasingin si Lance kasi maglalaro pa kami…

LANCE: Hindi ako marunong ata niyan…

TYLER: Tuturuan kita… napakadali…

REX: You’re in good hands.  Huwag kang mag-aalala... si Tyler premium player yan…

TYLER: May ipapakilala ako saiyo! (lalapit ang babae) I would like you to meet my beautiful friend, RIZA… Riza si Lance… (kakamayan ni Lance si Riza)

REX: Sabi ko sayo magiging masaya ka sa amin compare sa boring mong buhay sa probinsiya. For a change I date mo rin itong si Riza after nyo maglaro mamaya… Payag ba kayo mga pare?

MGA KAIBIGAN: OO naman!

 

SCENE 4: (house background)

(Nakaupo ang tatay at may tinitingnan na larawan)

 

LUIS: Tay, Tay! May maganda akong balita!... Tay, na close na yong bagong deal! Malaking production ito!

TATAY: Salamat anak. Salamat sa Panginoon!

LUIS: Teka, kumain na ba kayo?

TATAY: Hindi pa nga..

 LUIS: Sige Tay. Sabay na tayo… (biglang may nalaglag sa kamay ng Tatay at pinulot ni Luis) Tinitingnan nyo na naman ang larawan ni Luis…

TATAY: Naalala ko lang ang kapatid mo… ilang buwan na ang nakalipas at wala pa tayong balita sa kapatid mo!

LUIS: Oo nga Tay… siyanga pala patawarin ninyo ako ha…

TATAY: Para saan?

LUIS: Kasi nagalit ako sainyo nong binigay ninyo ang mana ni Luis na hindi pa dapat… at isa pa nag-away kami bago siya umalis na maaring naging dahilan niya para gumawa ng malaking desisyon na umalis dito sa lugar natin…

TATAY: Naintindihan ko naman anak!... Ipanalangin na lang natin na maging maayos siya at Makita niya ang daan pabalik sa atin…

LUIS: Oo tay..  Halika, kain na tayo!

 

SCENE 5: (hangout ng mga barkada)

(Nagkakasayahan ang mga barkada ng biglang dumating si Lance sa lugar)

 

LANCE: Tyler tulungan mo ako. Nagkaroon ako ng kompormeso sa grupo nila Manuel!

TYLER: Hindi mo pa ba nababayaraan yong inutang mo sa kanya?

LANCE: Malaki yon… hindi ko kaya!

TYLER: Akala ko nakahingi ka ng tulong sa tatay mo…

LANCE: Wala na akong mukhang ihaharap sa kanila… tulungan mo ako, pakiusap!

TYLER: Hindi kita matutulungan!

LANCE: Akala ko tutulungan mo ako!

TYLER: Iba na to… mag-isa mong harapin ang problema mo

LANCE: Tulungan ninyo ako… papatayin ako ng grupo na yon!

TYLER: Yon nga eh… Eskapo na kami…

LANCE: Akala ko ba walang iwanan.. kaibigan for life!

TYLER: ayaw pa naming mamatay.. tara mga pre!

LANCE: Huwag ninyo akong iwan! Tulungan ninyo ako! (Palakad-lakad si Lance at hindi alam ang gagawin nang bigla siyang may marinig na pagdating ng sasakyan. Hindi na nakaiwas si Lance nang pumasok sa hangout si Manuel at ang kanyang mga kasama)

LANCE: Ikaw pala Manuel

MANUEL: Andito ka lang pala… kumusta na ang usapan natin.. Saan yong pambayad mo?

LANCE: Wala pa eh…

MANUEL: Noong nagsusugal ka at nawalan ka ng pera, tinulungan ka namin tapos ngayon parang tatakasan mo kami ha…

LANCE: Sir hindi… nag-iisip lang kasi ako kung paano… akala ko kasi makakabawi ako eh.. at tutulungan ako ng mga kaibigan ko… ngayon hindi pala, iniwan na nila ako…

MANUEL: (lalapit kay Lance at ipapakita ang baril).. Wala akong paki doon basta ibalik mo ang perang hiniram mo… bibigyan ka namin ng isang linggo! Pag hindi mo naibigay ibabaon ka namin sa lupa…

LANCE: Huwag naman!

MANUEL: Kahit saan ka magtago mahahanap ka namin! Nainintindihan mo? (hindi sasagot si Lance at uumbagin siya ni Manuel) Naintindihan mo? Sagot!

LANCE: Oo

(Nang maiwan si Lance, malungkot siyang naglakad-lakad at may nakitang karatula sa isang lugar na nakasulat “WE ARE HIRING. FARM WORKERS” )

 

SCENE 6: (farm background)

(Naglilinis ng kulungan ng hayop si Lance)

 

LANCE: (hinahawakan ang kanyang tiyan) Ang sakit ng tiyan ko.. gutom na ako… (naghanap ng puwedeng makain si Lance at nakita niya ang balde na may pinagbalatan ng mga prutas na ipapakain niya sana sa mga hayop na alaga niya)

(Bigla siyang natigilan at nag-isip)

(iiyak)…. Bakit ganito?... Bakit mali ang napili kong landas? Akala ko tama. Ngayon ko lang nakita na ang sarap pala ng buhay ko dati, yong dati kong buhay na malapit sa aking tatay…Mas masaya pala na kapiling ang iyong ama…  Ano itong kinakain ko? Sa bahay namin, ang mga alila ay labis-labis ang pagkain samantalang ako, ito ang kinakain ko…  Mas mainam pa na maging alipin na lang ako sa aming tahanan. Tama! Hihingi ako ng tawad sa aking ama at gawin na lamang niya akong alipin!

(Si Lance ay tumakbong pababa ng stage…. Music background. then lalabas sa stage ang ama o tatay na nakatingin sa malayo at biglang natigilan sa mapapansin sa malayo)

TATAY: (Ilalagay ang kamay sa taas ng mata at nakatingin sa malayo) Lance! (pasigaw) Si Lance yon! Anak… Anak (tatakbo pababa at masasalubong ang anak at yayakapin) Salamat anak at nagbalik ka!

LANCE: Tay, nagkasala ako sa Diyos at sainyo. Hindi nap o ako karapat-dapat na tawagin ninyong anak. Gawin na lamang ninyo akong alila. Pero mayroon akong naging problema Tay, may Malaki akong pagkakautang… babayaran ko yon ng aking pagtatrabaho sainyo bilang alipin…

TATAY: Huwag kang mag-aalala anak… tutulungan kita… Teka tawagin ko lang ang mga kasama natin ditto sa bahay…Sally, Lito halika kayo dito… Kumuha kayo ng magarang damit, sandalyas at singsing, at ipasuot natin sa anak ko… sabihin ninyo rin sa ibang kasamahan natin na magkaroon tayo ng pagdiriwang; katayin ninyo ang matabang guya para tayo’y kumain at magdiwang. Sapagkat ang anak kong ito’y namatay na, ngunit siya’y nabuhay; nawala ngunit muling nasumpungan.

LANCE: Tay, maraming salamat (niyakap ang ama)

 

SCENE 7: (Eldest son and Father Encounter)

(Dumating ang panganay mula sa bukid at nalaman niya na may pagdririwang dahil sa bunsong kapatid)

 

TATAY: Anak, bakit hindi ka pumasok sa loob ng bahay?

LUIS: Tay, nagagalit po ako sainyo…

TATAY: Anak, pakiusap palawakin mo ang iyong pang-unawa. Sana intindihin mo aking damdamin bilang ama…

LUIS: Bakit Tay, Naintindihan nyo rin ba ng aking damdamin?

TATAY: Naiintindihan kita anak… mahal kita at mahal ko rin ang iyong kapatid…

LUIS: Hindi nyo ako naiintindihan! (Pasigaw na may iyak)… Alam ninyo Tay…Pinaglingkuran ko kayo sa loob ng maraming taon at kailanma’y hindi ko kayo sinuway (iiyak)… Ngunit ni minsan… ngunit ni minsan hindi ninyo ako binigyan ng kahit isang maliit na kambing para magkasayahan kami ng aking mga kaibigan…(pause at iiyak)… Pero nang dumating itong si Lance, na aking kapatid, na siyang naglustay ng iyong kayamanan sa masasamang babae at bisyo at pinapatay nyo pa ng matabang guya at nagkaroon pa ng pagdiriwang… Samantalang ako wala! (iiyak)

TATAY: Anak lagi kitang kasama at ang lahat ng aking ari-arian ay sayo. Hindi na mababago yon… Tama lamang na tayo ay magdiwang at magsaya sapagkat namatay na ang kapatid mo, ngunit nabuhay, nawala ngunit muling nasumpungan. Huwag mong kakalimutan anak… MAHAL KITA… mahal ko rin ang kapatid mo! Naiintindihan mo ba anak?  (Tatango si Luis at yayakap sa tatay nang biglang dumating si Lance)

LUIS: Mahal ko din kayo Tay… salamat sa pang-unawa!

LANCE: Kuya! Andito na ako… nagkamali ako kuya… babawi ako saiyo… sana mapatawad mo pa ako… (lalapit si Lance sa kuya) … kuya!

LUIS: Kung ang Diyos nagpapatawad sa lahat ng ating pagkakasala. Ako pa kaya… (yayakapin si Lance) - namiss kita! Huwag ka ng aalis! (Tatango si Lance)

 

NARRATOR:

Sa ating buhay, mahirap nating tanggapin na tayo’y nagkamali; mahirap ding tanggapin na tayo ay nagkasala. Si Jesus habang nakapako sa krus ay kanyang nasambit, “Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila alam ang kanilang ginagawa.” Kaya kahit anuman ang ating ginawa o nagawa, mapapatwad tayo ng Diyos. Tayo’y pinagpala dahil mayroon tayong mahabaging Ama na handang magpatawad sa ating mga kasalanan. Binigay niya ang kanyang bugtong na Anak upang mamatay sa Krus para tubusin tayo sa ating mga kasalanan. Dahil sa kanyang ginawa sa krus, maaari na ang tao ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. Kailangan lang na aminin natin na tayo ay nagkasala, humingi ng tawad sa ating pagkakasala at tanggapin na si Jesus ang tagapagligtas lamang.

 

Comments

Popular posts from this blog

CHRISTIAN TAGALOG DRAMA SCRIPT TITLED "PINAGKAITAN NG LIWANAG " by krisha412

CHRISTIAN DRAMA SCRIPT TITLED "PANGARAP NA PAMILYA" by krisha