LIWANAG NG BUKAS (CHRISTIAN DRAMA SCRIPT -TAGALOG)

 

WRITER’S COPY(revised)        

LIWANAG NG BUKAS

Krisha412, August 2013

CAST:

LARA: Sis. Maricris Anilao

ROGER: Pastor Rodemir Anilao

RIZA: Sis. Neizel Pascual

ABIE: Sis. Mary Ann Osorio

DORY: Sis. Nelia Bumotad

SUSIE: Sis. Nicole Pascual

DINDEE: Sis. Kathleen Faith Tampos

CARLO: P. Lennard Llamado

JET: Benjie Pascual

BETTY: Sis. Nory Pascual

 

Narrator: Music: Melancholy –sad piano

Sa mundong ating ginagalawan, ginagawa ang lahat para maging  masarap ang buhay at may magandang bukas kaya’t minsan hindi maiwasan na kahit sa buhay kristiyano nananaig ang pagnanais na magkaroon ng marangyang buhay. Ngunit kahit na alam na natin na ang may hawak ng bukas ay ang Panginoon minsan hindi natin ito nakikita o nararamdaman lalo na kapag dumarating ang mga problema o mga pagsubok… Tunghayan po natin ang dramang pinamagatang “Liwanag ng bukas.”

 

SCENE 1:  (Music Background: the day we’ll meet again)

 

Props: wheelchair for Betty & small drawer

Lights: left, right & center stage only

LARA: 

Mama kumain na kayo??

BETTY:  (paralisado)

(iiling) hin…hin..di pa

LARA:  (sisigaw)

Susie!!! Susie!!! Saan ka na?

SUSIE: 

Ate, sandali lang

LARA:  (sisigaw)

Bilisan mo…Ano ba!

SUSIE: 

Bakit ate Lara?

LARA:  (sisigaw)

Anong bakit? Di ba sinabi ko na sayo na pakainin mo na si Mama..

SUSIE: 

Sorry ate… kasi may gi… (mapuputol ang salita dahil sasabat ang ate)

LARA:  (sisigaw)

Huwag ka nang magrason.. Yan naman lagi ang trabaho mo tuwing umaga di ba…Di ba alam mo naman yan?

SUSIE: 

(iiyak)…Opo

LARA:  (sisigaw)

Yon naman pala eh  bakit lagi kitang pinapa-alalahanan?

 

SUSIE: 

(iiyak)…Napagod po kasi kagabi kaya ngayong umaga ko lang nagawa assignment ko..

LARA: 

O sige tama na yan… San ba ang ate Riza mo?

SUSIE: 

Hindi ko po alam!

LARA:

(darating si Riza at nag-iis-stay sa gilid) Alam nya naman na busy din ako sa trabaho…ginagawa ko to para may makain tayo tapos hindi pa siya maasahan!... O nasaan yong folder dito… Report ko yon eh, nakita mo?

SUSIE: 

Hindi po!

LARA:  (sisigaw)

Hay naku! Late na nga ako, nawawala pa ang report na yan… (maghahanap malapit sa lugar ng mama…hanggang sa mainis at itatapon ang mga gamit) San na ba yon?.. Pagod na ako.. (iiyak).. Nakakapagod ang buhay na to…

BETTY: 

a…ah… anak…

LARA: 

Ma… huwag na ninyong pilitin magsalita… Nahihirapan na nga kayo eh..

BETTY: 

anak…

LARA: 

Ma..alam ko ang gusto ninyong sabihin… Hindi po ako galit sa inyo…Pagod lang ako!

SUSIE: 

Mama, Huwag na kayong umiyak (pupunasan ang luha ng inay).. pagod lang si ate

RIZA: 

Ang aga ng drama natin ah… Ito ba ang hinahanap mo?

LARA: 

Andiyan pala saiyo eh

RIZA: 

Wala sa akin.. nakita ko yan kagabi nilagay mo sa ibabaw ng drawer. Pasalamat ka at binigay ko pa saiyo…

LARA: 

Dapat mo lang ibigay para makatulong ka naman…

RIZA: 

Bakit ate? Sa tingin mo hindi ako nakakatulong dito? Sino ba ang mas dapat na tumulong dito lalo na kay Mama?

 

LARA: 

Ang galing mo sumagot… kristiyano ka pa naman at ministry leader pa?

RIZA: 

Bakit ikaw ate kristiyano ka rin di ba? pag linggo nasan ka?

LARA: 

Tama na!

RIZA: 

Ganyan ka naman eh.. pag tungkol na sayo ayaw mo ng pag-usapan.. Pero pag iba.. ang galing mo… Pinakikita mo na ikaw na ang pinakamabait ng anak dahil

LARA: 

Sinabi nang Tama na!

 

RIZA: 

Bakit ate… ayaw mong marinig na ikaw ang dahilan kung bakit nagkaganyan si Inay! Hinahabol ka nya noong time na yon dahil sumama ka kay Jerry… Sa kahahabol niya nalaglag siya sa hagdan… kaya ngayon dapat lang na mapagod ka sa pagtatrabaho para sa kanya…

LARA: 

Yan ba ang dahilan bakit ka nagkakaganyan?..

RIZA: 

Tama naman di ba? Kaya ka nagkukumahog sa trabaho dahil kasalanan mo naman talga di ba?

LARA:.

O sige ako na ang may kasalanan.. Ako na!!(pasigaw)…Yan bang gusto mong marinig… Masaya ka na ha

BETTY: 

Ma…nga mgaa…ah… anak…

SUSIE: 

Ate si Mama.. nahihirapan na namang huminga!

LARA: 

Ma!

 

SCENE 2: (Music Background: Melancholy – sad piano)

 

Props: No chairs on the center stage

Lights: center stage only

 

ABIE:  (sasampalin si Roger)

Bakit mo ginawa ito? (hagulgol na iyak) Bakit!!!

ROGER: 

Abie… Abie… aayusin ko ito… kayo ng mga anak natin ang mahal ko…

ABIE: 

Huwag mo akong hawakan!!!, pakiusap—(Pasigaw at iiyak ng hagulgol)..

ROGER: 

Abie… Abie… patawad… hindi ko sinasadya

ABIE: 

Hindi sinasadya (iiyak).. hindi ba sinasadya yong may iba kang babae…

ROGER: 

Abie… Patawarin mo ako…Abie… pakiusap flight ko na next week.. gusto ko magkaayos na tayo.. Abie patawarin mo ako…

ABIE: 

Masakit ang ginawa mo…Bahala na ang Diyos sa ating dalawa…. (biglang aalis at iiyak si Roger)

 (LIGHTS OUT…. COUNT 10 THEN LIGHTS ON)

Props: Two chairs on the center stage

Lights: center stage only

 

CARLO: 

Kuya hindi ka pa aalis, mahuhuli ka sa biyahe mo? (hindi iimik si Roger)

Kuya wag kang magalit ha… narinig ko ang pag-uusap ninyo ni ate Abie  noong nakaraan..

ROGER: 

Astig ba ang ginawa ko? Isipin mo ha- ang pangalan ng kuya mo..Roger Villanueva.. astig… astig di ba, lalaking-lalaki?...Sabi nga ng mga kaibigan ko normal lang sa lalaki yong ginawa ko.. pero sa nararamdaman ko ngayon hindi okey eh..nakokonsensya ako (iiyak)… diyahe ba? Ngayon mo lang akong nakitang umiyak?

 

CARLO: 

Kuya Naiintindihan kita…

ROGER: 

Carlo..huwag mong gayahin yon ha? Masisira ang buhay mo- ang pangarap mong pamilya… Ngayon hindi ko alam kong may liwanag pa ang bukas para sa amin…

CARLO: 

Kuya alam kong mas bata ako saiyo… pero ang alam ko lang na puwede kong sabihin saiyo… baka nakakalimutan mo na may Panginoon na handang gumabay saiyo

ROGER: 

Oo nga… tama ka, na busy ako masyado sa trabaho…Bigla nag-iba ang priority ko sa buhay.. Naisip ko nga mas maigi pa noon na wala akong malaking pinagkikitaan dahil parang mas malapit ako sa Diyos… Tama si pastor kahit anong taguumpay basta wala ang Panginoon hindi magiging Masaya… Narealized ko nga ngayon na mahirap pala ang mawala sa kalooban ng Diyos… Sa sitwasyon ko ngayon parang mahirap nang ibalik yong dati…

CARLO: 

Walang imposible sa Diyos kuya…Maasahan mo ang panalangin namin…

(Aakbay si Roger kay Carlo ….LIGHTS OUT….)

 

 

SCENE 3: (Music Background: No background on the first part)

 

Props: Two chairs on the center stage

Lights: center stage only

 

LARA: 

Sis. Dory salamat ha, kung hindi lang ako gipit talaga, hindi ako lalapit saiyo,

DORY: 

Wala yon.

LARA: 

Pambili ko kasing gamot ni Mama, hindi kasi umabot sa sahod ko eh.. pasenciya na ha.. nahihiya tuloy ako saiyo…

DORY: 

Ano ka ba naman..sino pa ang magtutulungan kundi tayo-tayo ding magkakapatid sa Panginoon..

LARA: 

Yon nga eh.. hindi na ako nakakasimba kaya din ako nahihiya…

DORY: 

Wala yon…Hindi yon sa ganon… Sana lang kahit anong dagok sa buhay natin huwag tayong makakalimot sa Panginoon.

LARA: 

Sa dami ng nangyari  sa buhay namin  natuon ang isip ko sa trabaho at kung paano kumita para sa pamilya… at hindi ko namalayan na hindi na pala ako nagsisimba…

DORY: 

Lagi ka naming sinasama sa panalangin.. sana makadalo ka sa 30th Anniversary ng church…

LARA:  (Music Background: Memory)

Oo nga pala, August na… naalala ko sa ganitong panahon busy tayo sa paghahanda para sa gawain.. Naalala ko tuloy yong mga dati kong ginagawa… dati akong teacher sa Sun. Sch….Teacher ako sa young adults at lagi akong nagsasabi ng mga positibong mga bagay sa aking mga tinuturuan. Lingo-linggo nila akong  nakikita na nagbabahagi ng Salita ng Diyos.  Lagi akong nagtetestimony sa harap para ihayag ang kabutihan ng Panginoon sa akin at sa aming pamilya… (iiyak)  Pag naalala ko nalulungkot ako at nanghihinayang… Ikaw ba sa tingin mo, kaya ko pang ibalik yong dati kong mga ginagawa sa simbahan? Hindi ba ako’y masamang halimbawa na para sa mga kapatiran?

 

DORY: 

Hindi mo kakayanin bumalik kung wala ang Panginoon… hingi ka ng tulong sa Kanya… Lahat ng kasalanan may kapatawaran.. basta  bukal sa puso mo ang paghingi ng tawad… Anuman ang nagawa natin – Puwede itong gamitin para maging babala sa iba na huwag nilang pamarisan…may paraan ang Diyos na iba sa atin…  Basta anuman nagawa mo…mahal ka pa rin ng Diyos.. Kailangan mong tumayo at manumbalik sa Panginoon…

 

LARA: 

Salamat ha!

 

SCENE 4:

 

Props: Three chairs & small table on the center stage

Lights: center stage only

 

DINDEE: 

Hoy.. Susie! Susie!

SUSIE: 

Oh, Dindee ikaw pala

DINDEE: 

Bakit ka naman nakatulog dito? Mabuti hindi ka nakita ng librarian, hindi ka pumasok ah

SUSIE: 

Anong oras na ba?

DINDEE: 

3:25 na

SUSIE: 

Patay hindi ko na naihabol yong research ko sa teacher natin

DINDEE: 

Ano bang nangyayari sayo? Napapansin ko nangangalummata ka

SUSIE: 

Binabantayan ko kasi si mama, lagi  kasi siyang di makahinga

DINDEE: 

Ikaw lang ba nagbabantay? Si ate Riza  at ate Lara mo

SUSIE: 

Si ate Riza laging wala… si ate Lara naman laging pagod at wala na din magawa sa bahay nag-aaral at nagtatrabaho din kasi yon…naawa na ako sa kanya.. ngayon nga lagi siyang nakasigaw at minsan naman nakikita ko umiiyak sa kwarto..

DINDEE:  (Music Background: the day we’ll meet again)

Si mommy ko nga din eh.. minsan nagising ako ng madaling araw.. nakita ko  siyang nakaluhod at umiiyak… Umiiyak din ako tuloy noon, naaawa ako kay mommy…Siguro hiwalay na sila ni daddy

SUSIE: 

Hindi naman siguro pero bakit mo naman nasabi?

DINDEE: 

Bihira na kasi siyang tumawag sa amin, matagal na din siyang hindi umuuwi tapos ngayon lumipat pa kami ng school … nami-miss ko tuloy ang daddy…tuwing maalala ko naiiyak ako

SUSIE: 

Wala tayong magagawa eh.. ipagpray na lang natin..

DINDEE: 

Alam mo naisip ko, akala ng mga nakakatatanda sa atin hindi natin napapansin na may mga problema sa pamilya… akala nila bata pa rin tayo na hindi maiintindihan at lalo na hindi nila napapansin na pati tayo naapektuhan din

 

 

SUSIE: 

Oo nga… Haay! Ako naman napapagod na rin ako sa kakautos sa kin… Oh ayan na pala kapatid mo.. Hello Jet

JET: 

Hello poh.. (lalapit sa ate  Dindee).. alam mo ate ang ganda noong tablet noong kaklase ko.. ang daming games

DINDEE: 

Bawal mag-tablet sa school ah..

JET: 

Recess  naman yon eh

DINDEE: 

Kahit na  bawal pa din magdala ng tablet sa school

JET: 

Ate gusto ko ng ganon… kasi sa mga classmates ko.. ako na lang wala eh.. Puwede ba nating tawagan si daddy para magbili tayo

DINDEE: 

Nasa barko si Daddy at mas maganda kong ipagpray mo muna

JET: 

Pagpray na naman.. lagi namang ganon.. puwede bang bumili na lang

 

DINDEE: 

Alam mo Jet nasa Panginoon ang blessing kaya sa kanya tayo lumapit..

SUSIE: 

Tama ang ate mo… huwag makulit at lagi kang umattend ng Sunday School ha…

Oy 4pm na pala…Hindi pa ba kayo uuwi.. mauna na ako (aakmang tatayo pero mahihilo)

DINDEE: 

Susie..Susie.. anong nangyari sayo

 

SCENE 5: (Music Background: Reason)

 

Props: No chairs on the center stage

Lights: center stage only

ABIE: 

Riza, Ano ba ang nangyayari sa iyo?  (hindi magsasalita si Riza) Magsalita ka!

RIZA: 

Wala

 ABIE: 

Anong wala, nararamdaman ko meron…  Yong despidada ni Carla wala ka, hinananap ka kaya niya…Tapos yong gawain sa Panginoon pinaghintay mo rin Ano bang nangayayari sayo?(hindi pa rin magsasalita si Riza at hihilahin niya ito sa kamay) Ano ba talaga ha?, Magsalita ka!!!

 

 

RIZA: 

Sinabi kong wala eh!!!(pasigaw na garalgal na boses- paiyak) Kaya naman ninyo kahit wala ako eh

ABIE: 

Hindi yon ang punto ko, alam kong bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang talento pero itong gawain na sinasabi ko ay commitment mo sa Panginoon

RIZA: 

Alam ko naman yon eh!

ABIE: 

Alam mo pala eh…Oh, bakit ganon? nakita ko may pagbabago saiyo… kaibigan kita… Nalulungkot ako na makita kita na hindi na namin nakakasama sa paglilingkod at iba na rin ang pananaw mo sa spiritual na mga bagay… matagal ka nasa ministry  na ito.. iiwan mo na lang ba ng ganon na lang?

RIZA: 

(maluluha at mangiyak-ngiyak na boses) Ayaw kong maging ganito, pero nahihirapan na ako…Hindi ko na nakikita ang bukas para sa akin dito…

ABIE: 

Hndi kita maintindihan, ano ba ang problema?

RIZA: 

Gusto ko maging plain member na lang ako… yong walang hassle walang commitment. hindi inaasahan sa gawain at hindi kumplekado ang oras. .. Para mabigyan ko ng panahon ang pamilya namin para naman masabi ni ate Lara na maaasahan ako sa bahay.

ABIE: 

Ahh para pala sa ate mo… darating din ang panahon na magiging kagaya mo na ang ate mo, walang panahon sa gawain… Riza naman alam mo naman na marami na ang tumatalikod sa Panginoon pero nagtagumpay ba sila?

RIZA: 

Nagtagumpay naman sila ah.. nagkaroon sila ng pera

ABIE: 

Pera lang ba ang batayan mo para masabing matagumpay ka?.. Marami nga silang pera pero kumusta ang spiritual at pamilya nila naging matagumpay ba? Alam ko sa puso mo naiintindihan mo ang sinasabi ko.. huwag mo nang idagdag pa ang sarili mo sa mga tumalikod sa Panginoon… maawa ka sa pamilya mo…

RIZA: 

Anong gusto mong gawin ko? Panoorin ang ate ko na nagkukumahog sa pagtattrabaho para sa amin at panoorin ang nanay ko na naghihirap

ABIE: 

Hindi sa ganon… ang gusto ko lang isama mo ang Panginoon sa plano mo… Isangguni mo sa kanya dahil Siya ang mas nakaka-alam ng lahat…

RIZA: 

Alam mo dati habang naglilingkod ako nakikita ko ang liwanag ng bukas pero habang tumatagal nagiging madilim ang bukas para sa kin…Ngayon tumigil ako sa pag-aaral dahil nalugi ang business namin, nagkasakit pa si Inay at wala kaming maasahan ngayon.. Tapos yong kaibigan natin si Carla naka-alis na pumuntang America, lungkot na lungkot ako alam mo ba kaya hindi ako umaatend ng despidada niya… feeling ko napag-iiwanan na ako… wala akong mahanap na trabaho at marami pang problema sa bahay.. Parang wala akong makitang liwanag ng bukas para sa akin…

ABIE: 

May rason ang lahat ng bagay…Alam mo Riza hindi man natin makita ang liwanag ng kinabukasan mo- alam naman natin kung sino ang may hawak nito anjan ang Panginoon..

RIZA: 

Nasasabi mo lang yan dahil wala ka sa katayuan ko…

ABIE: 

Lahat tayo may pinagdadaanan din sa buhay…iba-iba lang tayo ng aspeto

RIZA: 

(pupunasan ang luha) hindi mo rin talaga ako maiintindihan dahil maganda ang naging buhay mo… may pamilya ka at may matatag na trabaho!.... (pause)  Saka na ulit tayo mag-usap, aalis na ako  (aalis nang bigla siyang hawakan sa braso ni Abie)

ABIE: 

Riza… kaibigan kita.. alam mo bang malulungkot din ako…ayaw kong iwan mo ako.. malungkot para akin na hindi kita  kasama sa paglilingkod… Akala mo ba ikaw lang ang may problema.. ako din… (iiyak) Iniwan na kami ni Roger, mayron siyang nakarelasyon…

RIZA: 

Kailan pa nangyari ito?

 

ABIE: 

Matagal na…

 RIZA: 

Akala ko 2 years ang kontrata niya kaya di siya umuuwi…

ABIE: 

Alam mo ang sakit-sakit non sa akin… gabi-gabi umiiyak ako sa Panginoon… sinasabi ko sa Kanya lahat ng nararamdaman ko.. Ang pagkakamali ko umikot lang ang mundo ko sa asawa ko- kay Roger… akala ko nakasandig ako sa Panginoon pero sa asawa ko pala…

RIZA: 

Pasensiya na hindi ko alam, hindi kita nadamayan…

ABIE: 

Hindi ko sinabi kasi para di siya masira sa inyo, ung testimony niya dahil kahit papano asawa ko pa rin siya…Pero kahit ganon nakita mo ba akong tumigil sa paglilingkod?  Pag tumigil ba ako sa tingin mo mas masaya ako? Panginoon lang ang puwedeng magbigay ng tunay na kasiyahan kahit may problema…

RIZA:

     Tama ka.. (iiyak) ngayon pa lang hindi na ako masaya…

ABIE: 

Sapat na ba yon saiyo para masabi kong naiintindihan kita? Puwede wag kang mawala sa paglilingkod?

RIZA:

(tatango) Dahil sa testimony mo nakapagbigay sa akin ito ng pag-asa…Kagaya mo, alam ko mahirap pero kakayanin ko dahil ikaw msmo naranasan mo ang tulong ng Diyos…

ABIE: 

… hindi para sa akin kundi para sa Panginoon… dahil ako mismo hindi pinabayaan ng Panginoon…(tatango si Riza at hahwakan ang kamay ni Abie)

 

………………….INSTRUMENTAL……………………………..(LIGHTS OFF)

 

SCENE 6: (Music Background: the day we’ll meet again)

 

Props: Two chairs on the center stage & small table with a glass of milk

Lights: center stage only

 

LARA: 

Nahilo ka daw (tatango si Susie)… Alam mo ba sakit mo? (iiling lang si Susie).. Anemic ka… mababa ang dugo mo kailangan mong kumain ng gulay at vitamins at siyempre huwag magpupuyat..

SUSIE: 

Sino magbabantay kay mama?

LARA: 

Pag gabi na siguro ako na lang

SUSIE: 

Di ba pagod ka na ate dahil galing ka pa sa trabaho at sa school?

LARA: 

Oo nga eh…pero siguro lagi na lang akong iinom ng gatas at magvitamins… o kaya kakausapin ko ng masinsinan ang ate Riza mo kung hindi niya ako susungitan ha

SUSIE: 

Alam mo ate minsan naiinis din talaga ako kay ate Riza kasi parang ayaw niya akong mag-stay sa simbahan kasi lagi niya akong pinauuwi agad-agad dito sa bahay kaya minsan kahit gusto ko pang makipagfellowship napipilitan na akong umuwi dahil papagalitan niya ako…

 

LARA: 

Siguro naiisip niya lang na walang kasama dito sa bahay si mama kaya ka niya pinauuwi agad..

SUSIE: 

Kaya lang ate marami na tuloy akong nami-miss na gawain sa church… Minsan masungit din talaga siya pero ate nong minsan naramdaman ko noong nakatulog ako sa kwarto ni mama binuhat niya ako papunta sa kwarto ko.. Naisip ko concern din pala siya sa akin.

LARA: 

Ganon lang talaga si ate Riza mo, pero siyempre mabait naman din yon… ikaw galit ka ba sa akin dahil lagi kitang nasisigawan?

SUSIE: 

Hindi ate… Alam mo ate minsan naisip ko na huwag na lang pumasok kasi naaantok ako palagi at kadalasan wala akong naiintindihan sa lesson… Minsan din nagsasawa na rin ako sa pagbabantay kay mama dahil nakakapagod… pero pag nakikita ko siya na nahihirapan.. hindi ko rin siya matiis…mahal ko si mama eh (iiyak) kaya hindi ko siya kayang pababayaan..

LARA: 

Pasenciya ka na ha.. Hindi ko napapansin na pati ikaw masyado na palang nasabak sa bigat ng responsibilidad. Palagi na rin kitang nasisigawan at lagi kong iniisip yong sarili ko… yong pagod ko. Yong iba hindi ko na napapansin.. O ssha.. inom ka na ng gatas

 

SCENE 7: (Music Background: Remember)

 

Props: Two chairs on the center stage

Lights: center stage only

 

ABIE: 

Oh, anak… Gabi na ah.. bakit hindi ka pa tulog

DINDEE: 

Mommy totoo ba na tumawag si daddy at darating siya?

ABIE: 

Oo anak dadalaw daw siya pero bukas pa yon…

DINDEE: 

Hindi na lang ako matutulog hihintayin ko siya..

ABIE: 

Dindee anak… hindi natin alam kung anong oras darating bukas kaya matulog ka na..

DINDEE: 

Ayaw ko mommy baka bigla siyang umalis at hindi ko makita si daddy (iiyak)Miss ko na si daddy eh.. Puwede ba akong mag-absent mommy para kahit isang araw makasama namin si daddy..

ABIE: 

Dindee anak… hindi puwede

DINDEE: 

Bakit hindi… baka kasi hindi namin makita si daddy eh.. kagaya ng dati.. bigla siyang nawala

ABIE: 

Sige anak… (iiyak) promise ko saiyo pag dumating si daddy mo… hindi ko papa-alisin agad para makasama ninyo siya

DINDEE: 

Promise ha..

ABIE: 

Oo.. promise… tulog ka na…

(LIGHTS OUT…. )

 

SCENE 8: (Music Background: Melancholy-sad piano)

 

Props: Two chairs on the center stage

Lights: center, right  & left stage

ROGER: 

Basta ikaw na ang bahala sa mga bata ha

ABIE: 

(tatango) Kailan ka kaya makikita ulit ng mga bata?

ROGER: 

Dadalasan ko na pagpunta dito.. salamat ha dahil hindi na naging mahirap ang pagpasyal ko dito

ABIE: 

Hindi mahirap dahil kinakausap na kita ng maayos, alam mo sa taong nagdaan nagsawa na rin ako. Hanggang ngayon nasasaktan pa rin ako lalo pag naa-alala ko yong nangyari sa atin kagaya ngayon pero unti-unti natatanggap ko na din… (napapaluha)

ROGER: 

Humihingi ako ng tawad sa lahat ng kasalanan ko…

ABIE: 

Mahirap pero Inisip ko na lang na Kung ang Diyos kayang magpatawad ako pa kaya kaya lang hindi maiwasan na nasasaktan pa rin ako pag naalala ko na pinagpalit mo kami sa iba…

ROGER: 

Naayos ko na ang buhay ko… wala na kami…Sana  maibalik yong pamilya natin…

ABIE: 

Kaya pa ba? Dati hindi ko nakikita na may liwanag ang bukas para sa atin pero ng dahil sa pangako ng Panginoon, nagiging madali na ang lahat. Sa Panginoon ako umaasa hindi sa mga pangako mo…

ROGER: 

Welcome pa rin ba ako ulit dito.. (hindi sasagot si Abie)

DINDEE: 

Daddy!!!... (yayakap si Daddy)

ABIE: 

Ang aga mo magising ha

ROGER: 

Ang laki mo na ah..May pasalubong ako sainyo ni Jet

ABIE: 

Sandali lang ha ihanda ko muna almusal  natin ha… (pupunta sa left stage)

DINDEE: 

Daddy… aalis ka naman ba ulit? (iiyak) Wala na ulit kami makakasama dito sa bahay…

 

ROGER: 

Dindee, anak aalis ako para may pantustos ako sainyo.. Huwag ka ng umiyak

DINDEE: 

Kasi ang bilis mo umalis pag dumating ka dito sa bahay eh… Aalis ka na ba agad?

ROGER: 

anak…tahan na…

DINDEE: 

(umiiyak) Mahirap daddy pag wala ka dito sa bahay… Alam mo minsan natakot si Mommy nang biglang umapoy yong shellane mabuti na lang at dumalaw si Kuya Carlo at siya ang nakapatay ng apoy… pero pag nandito kayo hindi mangyayari yon… Minsan naman natatakot ako sa gabi pag malakas ang kulog at kidlat… tumakbo ako sa kwarto ninyo pero wala kayo doon at bigla kong naalala wala nga pala kayo…Hindi na ako tumuloy sa kwarto kasi nakita ko Mommy nakupo at umiiyak… Kaya Daddy please wag na kayong umalis!!! (iiyak) (nakatingin si Abie at umiiyak)

ROGER: 

(mangiyak-ngiyak na boses) …Anak… tahan na!! (darating si Jet)

JET: 

Daddy, may pasalubong ka sa akin?

ROGER: 

Siyempre ikaw pa… nilagay ko sa kwarto mo hindi mo nakita? (biglang baablik sa kwarto)

JET:

Wow! Tablet… ang ganda… Ito saiyo ate oh…

DINDEE: 

Oh, Jet answered prayer na tayo…Salamat Daddy ha! (pupunta sa lamesa at kakain)

ABIE: 

Oh.jet… mamaya na gamitin yang tablet… maligo ka muna dahil may pasok ka pa..

JET:

Mommy puwede kong dalhin ito sa school?

ABIE: 

Hindi puwede bawal sa school yan.

JET:

Hindi ko naman gagamitin pag may klase.. pag recess lang…

ROGER: 

Anak sunod na lang kay mommy ha… wala namang gagalaw niyan dito..

JET:

Sige po.. ligo na ako...Yes, may tablet na ako…sasabihin ko to sa kaklase ko

ABIE:  (tatayo sa table si Dindee)

Oh. Tapos ka na!

DINDEE: 

Opo, mommy.. ligo na rin po ako… Daddy! Pag-uwi ko andito ka pa?

ROGER: 

Anak…Basta isipin mo kahit anong mangyari, mahal kayo ni Daddy ha.

DINDEE: 

Hindi nyo naman sinagot tanong ko eh..

ABIE: 

Anak pag-uwi mo andito si Daddy… hindi siya aalis (titingnan ni Roger si Abie at ngingiti)

DINDEE: 

Talaga ha… sige po.. (aalis si Dindee)

ROGER: 

(hahawakan si Abie)…Salamat… maraming salamat

(LIGHTS OUT…. )

 

SCENE 9: (Music Background: Memory)

 

Props: wheelchair on the center stage

Lights: right & center stage only

 

LARA: 

Mama!!... (itatayo ang inay) Mama naman eh bakit ninyo pinilit na tumayo..

SUSIE: 

Ate Lara anong nangyari kay Mama

LARA: 

Natumba siya … Susie tawag ka ng sasakyan para madala natin siya sa hospital

 (aalis si Susie)

Mama wag kayong mag-alala dadalhin ka namin sa hospital ha..!!!

(hahawakan ang ulo ng mama at makikita ang duguang kamay).. Mama.. Ma. huwag kayong matutulog ha… Mama… mama imulat ninyo ang mata ninyo.. Ma… Mama!!

Mama…Ma… huwag mo kaming iwan…Mama gumising kayo..MA!!!!

(darating si Susie at Riza)

RIZA: 

Ate anong nangyari?

LARA: 

(itatago ni Lara ang kanyang kamay na may dugo)…Natumba si Mama dahil pinilit niyang tumayo…

RIZA: 

ate bakit? (makikita niya ang umiiyak na mukha ni  Lara at kamay nito)… Hindi…Hindi…Wala pa ba ang ambulansiya?

SUSIE: 

(iiyak) Tinawagan na ate!!!

RIZA: 

Ma… may dala akong pasalubong at vitamins para sainyo… at alam ninyo Ma may nahanap na akong trabaho na hindi makaka-apekto sa ministry ko…Mama mulat naman ninyo mata nyo oh…

Mama.. Mama… huwag muna ninyo kaming iwan… Hindi pa ako nakakahingi ng tawad sa pagkukulang ko at hindi ko pa nasasabi na hindi na ako aalis sa ministry… alam ko magiging masaya kayo para sa akin…Mama naman huwag naman ninyo kaming iwan… Mahal na mahal kita Ma… Mama..Mama…Ma!!!

(LIGHTS OUT 10 COUNTS THEN LIGHT ON) : (Music Background: Reason)

Props: Two chairs on the center stage

Lights: center stage only

Scene:  (nakaupo at umiiyak si Riza at darating si Lara at uupo sa tabi ni Riza)

 

LARA: 

Riza tama na… magpahinga ka na…

RIZA: 

kung binatayan ko lang sana si Mama noong time na yon hindi ganito ang nangyariwala na naman akong naitulong (iiyak)…

LARA: 

Huwag mo nang sisihin ang sarili mo, may dahilan lahat..’Sa mga sinabi mo dati…Tama ka… kasalanan ko bakit nagkaganon si Mama…Alam mo ba lagi kong sinisisi ang sarili ko sa nangyari sa kanya… Pangarap ko kasi magkaroon ng magandang buhay… matanda na rin kasi ako pero parang wala pa akong nararating sa buhay… naisip ko sumama na lang kay Jerry kahit hindi ko siya mahal dahil mayaman naman siya gaganda ang buhay ko… pero sinabihan ako ni Mama na hindi yon ang kalooban ng Diyos sa akin… pero pinilit ko pa rin hanggang sa hinabol niya ako at nalaglag sa hagdan…Pinatawad na ako ni Mama pero hindi mo lang alam na tuwing makikita ko ang kalagayan niya hindi ko maiwasan na sisihin ang sarili ko..(iiyak)

RIZA: 

Ate sorry ha sa mga sinabi ko dati… Huwag mo na rin sisihin ang sarili mo…

LARA: 

Dahil sa mga problema hindi ko na isinama ang Panginoon sa plano ko… tama si Mama, mali ang desisyon ko… (iiyak)

RIZA: 

Lahat ng bagay ay may dahilan…  Ako din naman may pagkukulang… hindi ko kayo tinulungan sa responsibilidad dahil inisip ko ikaw naman ang may kasalanan kaya ikaw ang dapat maghirap… pero di ko napansin na hndi ko na pinakikita ang concern ko kay Mama…hindi ko na napapakikita ang pagmamahal ko sa kanya… Ganito tuloy ang nangyari..wala na si Mama.. mahal ko si Mama ate (iiyak)

LARA: 

Alam naman ni Mama na mahal mo siya… salamat at hindi mo ako ginaya na iniwan ang ministry  kaya natutuwa na din ako sa narinig ko na hindi ka aalis sa ministry

 

 

RIZA: 

Oo ate.. narealize ko na mayroon pa ring bukas para sa atin.. dahil andiyan ang Panginoon…Kahit marami tayong problema at pagdadaanan pa  sa buhay… Ang panginoon ang liwanag ng bukas…Ate.. makakasama ba kita sa panibagong pagsisimula na kasama ang Panginoon?

LARA:

Maibabalik pa kaya yong dati?

RIZA: 

Ate sa Panginoon walang imposible…Mas masaya ako pag kasama ka sa panglilingkod

 (tatango si Lara at darating si Susie)

SUSIE: 

Ang lagay ay kayo lang..Hindi ba ako kasama jan?

LARA: 

Siyempre kasama ka, halika dito

RIZA: 

Manalangin kaya tayo para magpasalamat sa Panginoon

 

Narrator:

 

Kahit anong tagumpay ang ating makamit na wala ang Panginoon kahit kalian man ay hindi natin malalasap ang tunay na kasayahan. At anuman ang pagsubok na ating dinaranas ay mayroon pa ring pag-asa na naghihintay sa atin dahil kahit kalian hindi tayo iniwan ng Diyos… Mula po sa Christian Baptist Tabernacle magsilbi po itong paala-ala sa atin…

 

=THE END=

 

To be performed:

August, 2013

CBT’s 30th Anniversary

Comments

Popular posts from this blog

CHRISTIAN TAGALOG DRAMA SCRIPT TITLED "PINAGKAITAN NG LIWANAG " by krisha412

CHRISTIAN DRAMA SCRIPT TITLED "PANGARAP NA PAMILYA" by krisha